Mahuhukay na buhay malabo na 54 PATAY SA DAVAO DE ORO LANDSLIDE

LUMILIIT na ang tsansa na may mahuhukay pang buhay mula sa gumuhong lupa na tumabon sa 50 kabahayan, tatlong passenger bus at isang jeep bunsod ng naganap na landslide sa Brgy. Masara, Davao de Oro.

Kasalukuyang nang bineberipika ng Office of Civil defense ang operating arm ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang 54 na napaulat na nasawi dahil sa landslide dulot ng shearline at low pressure area.

Sa datos ng Maco LGU kahapon, ibinaba na sa 63 mula sa 77 ang bilang ng mga nawawala, bagama’t hindi pa malinaw kung bakit binago ang nasabing datos.

Samantala, 32 pa rin ang bilang ng naitalang mga nasaktan mula sa trahedya.

May ulat na umakyat na sa 54 ang bilang ng mga nasawi sa landslide matapos na mahukay ang 19 na katawan mula sa ilalim ng guho habang 63 iba pa ang nawawala, ayon sa Maco LGU at provincial disaster official Randy Loy.

Naganap ang landslide noong Pebrero 6 ng gabi malapit sa minahan ng ginto sa bayan ng Maco, kung saan natabunan ang ilang mga sasakyan kabilang ang dalawang bus na may sakay na mga tauhan ng Apex Mining.

Nadamay rin sa insidente ang ilang mga kabahayan maging ang barangay hall sa lugar.

Kasunod ng naranasang sama ng panahon sa Mindanao, pinatitiyak ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., sa Office of the Civil Defense na makararating ang tulong sa apektadong mga komunidad.

(JESSE KABEL RUIZ)

100

Related posts

Leave a Comment