‘No’ votes sa Kongreso, namumuro PRANGKISA NG ABS-CBN IBABASURA

NAMUMURO ang ‘no’ votes sa muling pagkakaloob ng mababang kapulungan ng Kongreso ng prangkisa sa ABS-CBN.

Ito ang nabatid kahapon ng Saksi Ngayon, base sa pahayag ng hindi na nagpabanggit ng pangalan na mambabatas na “May tulog ang prangkisa ng ABS-CBN” kaugnay ng magiging resulta ng botohan sa House committee on legislative franchise ngayong araw.

Ayon sa naturang mambabatas, mahigit kalahati umano sa 94 miyembro ng komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez ang boboto ng “no” sa prangkisa ng ABS-CBN na mangangahulugan ng pagbasura rito.

Ang nasabing komite ay 46 ang miyembro na kinabibilangan ni Alvarez bilang chairman, 5 ang vice chairmen, 36 mula sa majority bloc habang apat lamang sa minority bloc.

Umaabot naman sa 48 ang officio members na kinabibilangan nina House Speaker Alan Peter Cayetano, 32 na Deputy Speaker sa pangunguna ni presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte, 16 mula sa majority bloc, at 8 naman mula sa minority bloc na pinamumunuan ni House minority leader Bienvenido Abante.

Sinabi ng impormante na suwerte na kung makakuha ng 30 votes ang ABS-CBN at inaasahan umano na lagpas sa 50 ang boboto ng no sa panibagong prangkisa ng network.

Sa panayam ng Saksi Ngayon kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo, inamin nito na isa siya sa mga boboto ng “no’ sa prangkisa ng ABS-CBN subalit itinanggi nito na nagkaroon na ng botohan.

“[Ngayong araw] pa lamang ang botohan as per advisory na natanggap ko,” ani Salo dahil tatapusin muna ang summation ng magkabilang panig bago magkaroon ng botohan.

Ayon kay Salo, nadismaya siya sa ABS-CBN dahil pinalalabas umano ng mga ito na pinakikialaman ng gobyerno ang kanilang network nang magpasok ito ng mga panuntunan na dapat sundin ng korporasyon kapag pinayagang magkaroon muli ang mga ito ng 25 taong prangkisa.

“Nag-propose ako ng 7 parameter like strict compliance with the Constitution, laws, rules and regulations, including labor laws and standards; promotion of employment and security of tenure; ensuring impartial and balanced reporting; promotion of positive Filipino values; provision of public service time; strengthened self-regulation of contents; and reasonable and equitable rates of election ads,” ani Salo.

Gayunpaman, pinalabas umano ng ABS-CBN na pagkontrol ito sa kanila ng gobyerno kaya inatras nito ang kanyang House Bill (HB) 6901 para sa panibagong 25 taong prangkisa ng nasabing network.

“Nadismaya lang ako dahil pinapalabas nila na pagkontrol ng gobyerno ang 7 parameters na iprinoposed ko,” ani Salo.

Maliban dito, bigo rin umano ang ABS-CBN na idepensa ang sarili sa napakaraming alegasyon na ibinato sa kanila sa huling 11 sa 12 pagdinig ng komite kasama ang committee on good government and public accountability.

TAX EVASION

Matatandaang pinabubusisi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang buwis na binayaran ng ABS-CBN matapos lumitaw sa mga pagdinig ang posibleng tax evasion ng mga ito.

Inihalintulad ni Defensor ang kakarampot na P110 hanggang P120 milyon kada taon na binabayaran ng Big Dipper gayung hindi umano bababa sa P2.6 bilyon ang kanilang kinikita.

“Ang binayaran mula 2016, 2017, 2018 at 2019 ay nasa vicinity ng P110 hanggang P120 milyon a year. Kung wala

pong PEZA, ang dapat binabayaran ay nasa P700 to P800 milyon bawat taon, kada taon ang dapat mapupunta sa kaban ng ating bayan,” ani Defensor.

Dahil dito, inatasan ni Defensor ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na imbestigahan ang ABS-CBN sa posibleng tax evasion na nangyari lalo na’t ang Big Dipper at mga kumpanya sa ibang bansa ay pag-aari rin ng pamilyang Lopez.

“Kaya siguro nagka-interes ang ways and means committee dito dahil napakalaki ng pondo ang dapat napupunta sa ating gobyerno dahil in the end, ang sabi nga po natin, “in the service of the Filipino people” and what is the best service that we can give is to pay proper taxes so that we can give more school buildings, we can put up hospitals, we can put up roads for the farmers,” ani Defensor. (BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment