OPISYAL NG POLICE, NATAGPUANG PATAY

WALA nang buhay dahil sa tama ng bala sa ulo nang matagpuan ang dating hepe ng pulisya ng Sta Rosa City, Laguna sa kanyang bahay sa Almeda St., Barangay Sto. Rosario Silangan, Pateros, Metro Manila.

Isinugod pa sa ospital sa Pateros ang biktimang si PLTCOL Eugene Orate subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng doktor.

Sa inisyal na report ng Pateros police, dakong alas-8:50 ng umaga nang makarinig ng dalawang putok ng baril ang kasambahay ng biktima na nagmula sa kuwarto ng opisyal.

Nang tingnan ng kasambahay, nakita nito na nakabulagta sa sahig sa kuwarto ang biktima at duguan.

Nakita rin sa tabi nito ang kanyang service firearm.

Dinala na ng SPD SOCO ang baril sa PNP crime laboratory para sa ballistics examination.

Isasailalim din sa paraffin test ang labi ng biktima at maging ang mga kasama nito sa bahay nang mangyari ang insidente.

Ang 46-anyos na biktima ay naging chief of police ng ilang lungsod sa Laguna at kasalukuyang nakatalaga sa PNP SAF. (NILOU DEL CARMEN)

86

Related posts

Leave a Comment