PAGBEBENTA NG OFWs SA SYRIA KINONDENA

KINONDENA ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pagbebenta ng babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Syria matapos itong ma-recruit patungong Dubai ng lokal na recruitment agency pero kinalaunan dinala sa naturang bansa saka ibinenta.

Sa pahayag, sinabi ni Go na hindi na dapat pang maghintay ang sinomang OFWs na humingi ng tulong sa pamahalaan matapos maabuso sa ibang bansa bago silang gawing prayoridad ng gobyerno.

Nauna nang isinusulong ni Go ang pagbubuo ng Department of OFW para mayroong cabinet-level na tututok sa kapakanan ng mga Pinoy sa ibang bansa at hindi na magpalipat-lipat ng mga ahensiyang lalapitan ang mga distressed OFW at kanilang pamilya.

Giit ni Go, bagong bayani kung ituring ang mga OFW pero hindi naman natututukan ang kapakanan nila.

Sa kabilang banda, nanawagan si Go sa mga Pilipino na gustong magtrabaho sa abroad na huwag hayaang maloko sila ng mga taong nagsasabing puwedeng gamitin sa pagtatrabaho sa ibang bansa ang mga tourist o visit visa.

Dapat aniyang dumaan sa tamang proseso kung gusto nang maayos na trabaho.

Una nang nakarating kay Go ang mga insidente ng pang-aabuso sa ilang Pilipina sa Syria na naloko ng mga walang kaluluwang recruiter na nagagawang ipahamak ang sariling kababayan para lamang kumita ng maliit na halaga. (ESTONG REYES)

53

Related posts

Leave a Comment