MAGTATAKDA ang mga alkalde sa Metro Manila ng gagamiting ‘common ordinance’ para sa pagpapataw ng parusa sa mga mahuhuling lalabag sa face mask policy.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakipag-usap na ang matataas na opisyal ng pamahalaan sa Metro mayors para rito.
“Minungkahi na po na magkaroon ng common ordinance para sa pagpapataw ng parusa sa mga taong hindi nagsusuot ng mask sa mga pampublikong lugar. So magkakaroon po ‘yan ng common ordinance,” pahayag ni Sec. Roque.
Ang pahayag ni Roque ay kaugnay ng kontrobersyal na panghuhuli nitong isang linggo ng mga awtoridad sa Quezon City sa mga taong nakitang walang suot na face mask.
Payo ng Malakanyang, magpaliwanag lamang nang maayos sa mga awtoridad kapag nag-alis ng face mask habang nasa labas.
Ito’y sa pagkakataon lamang na kung sila ay tatanungin gaya ng pagkuwestiyon sa isang mamamahayag nang sandali lamang na pag-alis nito ng kanyang face mask para uminom ng tubig habang nasa pampublikong lugar.
Sinabi ni Roque na kailangan magpatupad ng rules “pursuant to human experience.”
“Alam niyo po ang pag-inom kinakailangan ng taumbayan. Siguro po explain lang natin sa mga pumupuna na ang
ginagawa lang natin ay tinanggal ang mask para uminom,” ayon kay Sec. Roque.
“Wala naman pong problema ‘yun pag na-explain,” paliwanag nito.
Matatandaang kabilang ang journalist na si Howie Severino sa mga kinuwestiyon nang alisin nito ang kanyang face mask para uminom habang naka-break mula sa pagbibisikleta sa Quezon City.
Dinala si Severino sa Amoranto Stadium at kabilang sa halos isandaang indibidwal na isinailalim sa seminar sa tamang paggamit ng face masks sa pampublikong lugar.
“I had just finished my drink and returned the bottle to the store before I could pull my mask back up, when at least two vehicles of QC law enforcers arrived to tell me I was talking without my mask covering my mouth and had to be brought to Amoranto for a seminar,” ayon sa Facebook post ni Severino. (CHRISTIAN DALE)
70