UMAKYAT na sa 52 pamilya ang nagluluksa ngayong pagpasok ng bagong taon matapos na lumobo pa ang bilang ng mga namatay dulot ng mga pagbaha dahil sa pag-ulan dala ng shear lines, habang 19 pamilya ang patuloy na nagdadalamhati bunsod ng pagkawala ng kanilang minamahal sa naganap na Christmas flooding sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa pinakahuling situational report, may naitala rin silang 16 na sugatan na kabilang sa 595,693 katao na naapektuhan ng shear line.
Samantala, nasa halos kalahating milyong katao o katumbas ng 149,957 na pamilya ang apektado ng shear line na mula sa 959 barangay sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa NDRRMC, 13 sa mga reported death ay validated na habang kasalukuyang pang sumasailalim sa validation ang 38 iba pa.
Hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ang mga nawawala bunsod ng mga pagbaha at landslides dala ng mga pag-ulan bunga ng naranasang shear line at Northeast Monsoon o amihan.
Partikular na nasalanta ng mga pag-ulan ang Eastern Visayas, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Camiguin, Southern Palawan, at ilang bahagi ng Mindanao.
Umabot naman sa ilang siyudad at munisipalidad ang inilagay sa ilalim ng state of calamity.
Ayon sa NDRRMC, nasa ₱48.49 million na ang naipagkaloob na tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Nabatid na 4,540 kabahayan ang nasira, 3,704 rito ay “partially damaged” habang 836 at nawasak at hindi na mapakikinabangan. (JESSE KABEL RUIZ)
148