SHOPEE IIMBESTIGAHAN SA LABOR ISSUE

PINAIIMBESTIGAHAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Shopee dahil sa posibleng paglabag umano sa labor code partikular na sa kanilang truck drivers na pinagbabawalang mag-organisa.

Ayon kay AAMBIS-OWA Party-list Rep. Lex Colada, dalawang taon na umanong hinaharang ng Shopee ang kanilang truck drivers na mag-organisa at magtayo ng unyon gayung karapatan ito ng mga empleyado sa ilalim ng Labor Code.

Dahil dito, hiniling ng mambabatas sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon at ipatawag ang chairman ng Shopee Philippines na si Jan Frederic Chiong na may-ari rin umano sa 60 percent sa SPX Express Philippines na mas kilala bilang Shopee Express.

Sinabi ng mambabatas, naghain ng direct certification of election ang 257 ang drivers ng Shopee na nakabase sa Parañaque City, para sa collective bargaining agreement na karapatan ng mga manggagawa na lagpas ng 10 sa isang kumpanya.

Nais din alamin sa imbestigasyon kung bakit binawi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang unang desisyon na payagan ang mga driver na bumuo ng unyon matapos maghain ng motion for reconsideration, kaya inakyat ang kaso sa Court of Appeals (CA).

(BERNARD TAGUINOD)

79

Related posts

Leave a Comment