TRO NG SC PAG-ASA NG MGA TSUPER

TANGING ang Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema ang natitirang pag-asa ng mga public utility jeepney (PUJ) drivers at operators para maisalba ang kanilang hanapbuhay at maiwasan ang transport crisis.

Dahil dito, umapela si House Deputy Minority Leader France Castro sa SC na maglabas ng TRO para pigilan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) bago ang itinakdang deadline sa Abril 30.

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nagsabi na wala nang atrasan ang deadline sa consolidation ng mga prangkisa sa Abril 30 kaya ang tanging pag-asa na lamang aniya ay TRO.

Sa ilalim ng PUVMP, lahat ng mga pampasaherong jeep na hindi mag-consolidate ng kanilang prangkisa sa isang kooperatiba o korporasyon ay hindi na papayagang bumiyahe dahil ituturing na itong kolorum.

“Malinaw na ang laban ng tsuper ay laban ng komyuter. Dapat labanan ang PUV phaseout, isulong ang maka-masang transportasyon!” ani Casto.

Matindi rin aniya ang tama nito sa commuters dahil lalo silang mahihirapan sa pagsakay at kung dadami man aniya ang modernong jeep ay mangangahulugan ito ng dagdag na gastos sa pamasahe.

(BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment