Sirang karne, sirang bakuna babala ni Imee IMPORTED PORK HADLANG SA PAG-IIMBAK NG COVID VACCINES

NAGBABALA si Senador Imee Marcos na maaaring hindi makayanan ang maayos na pag-iimbak sa mga parating na COVID-19 vaccine sa mga susunod na buwan kapag triniple ang importasyon ng karneng baboy na bibigyan ng diskwento sa buwis.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na maaaring mauwi tayo sa sirang karne at sirang bakuna.

“Hindi pa nga alam ng National Task Force ang paglalagyan o ang tinatawag na cold chain facilities para sa paparating na mga bakuna, ngunit heto tayo ginagawa nating kumplikado ang problema dahil sa planong triplehin ang minimum access volume (MAV) ng baboy,” dagdag pa ni Marcos.

Inihayag ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na inilalagay ngayon ng Cold Chain Association of the Philippines sa 70% ang operating capacity nito ng kabuuang 400,000 metric tons na full capacity.

“Kahit tumaas ang kapasidad ng 10% to 15% o mahigit kumulang 40,000 metric tons, maaring magkulang pa rin ito para sa tripleng MAV na 162,000 metriko tonelada na maghihikayat pa ng pag-angkat ng mas maraming karneng baboy,” ani Marcos.

“Dapat magdesisyon na ang gobyerno kung iko-convert ba para sa mga bakuna ang mga cold chain facilities para sa pagkain at kung paano makakabawi ang mga apektadong kumpanya dahil sa kumbersyon na ito,” sinabi pa ni Marcos.

Una nang inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) na itaas ang minimum access volume ng mga imported na karneng baboy mula sa 54,000 metriko tonelada para mapababa ang presyo nito sa merkado sa gitna na rin ng naiulat na kakapusan ng suplay nito dulot ng African Swine Fever (ASF).

Pinuna ng mga hog raiser o mga magbababoy ang DA dahil napipilitan ang mga small and medium-scale entrepreneurs sa kanilang hanay na magsara na lang ng negosyo imbes na makipagkompetensya pa sa mga importer.

“Ang pinakamabisang solusyon sa pagtaas ng presyo ng karne ay hindi importasyon. Kundi direkta at mas malawak na pag-alalay ng gobyerno sa mga magbababoy! Dapat gamitin ng DA ang kanilang mga koneksyon, tauhan at asset, maging mga sasakyan sa pag-deliver ng mga baboy sa Maynila, lalo yung mga galing sa Visayas at Mindanao,” ani Marcos.

Dagdag ni Marcos, dapat magbigay ang DA ng mga biosecurity equipment tulad ng mga testing kit upang matukoy ang ASF at matulungan na rin ang mga magbababoy na mabawasan ang kanilang gastos sa pagnenegosyo.

“Yung pagku-quarantine sa dalawang karatig probinsya ay dagdag gastos para sa dorm ng mga farm workers, sa testing ng COVID-19, pati ng PNP at sa iba pang dokumento sa pagbiyahe. Dagdag problema pa dyan ang mga limitadong trak na pinapayagang bumiyahe, mga pinatutupad na curfew, at limitadong suplay ng gasolina,” sinabi rin ni Marcos.

“Paano pa yung galing GenSan at Mindanao papunta ng NCR (National Capital Region) – na may kasamang pagbabarko na lalong nagpapamahal sa mga lokal na kargamento kumpara sa mga international shipments?” pagdidiin ni Marcos. (ESTONG REYES)

 

94

Related posts

Leave a Comment