SPORTSFEST SA MANILA CITY JAIL, NAGRESULTA SA RIOT

SUMIKLAB ang riot sa Male Dormitory ng Manila City Jail sa Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Manila habang nagsasagawa ng sportfest sa larong basketball noong Sabado ng hapon.

Ayon sa ulat ng MCJ, bandang alas-1:57 ng hapon, nagkaroon ng mainitang rumble sa harap ng selda ng Bahala na Gang.

Naghagisan umano ng bato at basag na bote ang magkalabang grupo na Bahala na Gang at Sigue-Sigue Commando.

Ayon sa ulat ni Police Major Arnold Echalar, hepe ng Manila Police District – Alvarez Police Community Precinct, kasama ang puwersa ng Special Weapon and Tactics (SWAT) sa pangunguna ni Police Captain Leonardo So, sa pakikipagtulungan ni Police Executive Master Sergeant Alexander Sales ng SWAT, at 30 miyembro ng MPD Station 3, agad inawat ang naglalabang grupo upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.

Kinumpirma naman ni Jail Officer Elmer Jacobe, spokesperson ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na ang kaguluhan sa loob ng piitan ay dahil sa pikunan sa paglalaro ng basketball.

Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.

(RENE CRISOSTOMO)

105

Related posts

Leave a Comment