Bahay ng anak ng amo pinasabog noong 2010 WANTED NA KASAMBAHAY NABITAG SA TAYABAS CITY

ARESTADO ng mga awtoridad ang isang dating kasambahay na suspek sa pagpapasabog sa bahay ng anak ng kanyang employer na ikinamatay ng babaeng amo, sa manhunt operation ng Tayabas PNP sa Brgy. Lalo, Tayabas City noong Sabado ng ng madaling araw.

Ayon sa Tayabas PNP, ang suspek na kinilalang si Rhea Coroza Dalde, 36-anyos, residente ng nasabing lugar, ay tinaguriang most wanted person sa provincial level at nakapagtago sa batas sa loob ng halos 14 taon.

Nahuli ang suspek dakong alas-4:00 ng madaling araw noong Sabado sa pamamagitan ng isang warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 271 ng Pasig City noon pang Marso 30, 2012, at walang inirekomendang piyansa.

Batay sa record, ang suspek na 23-anyos pa lamang nang mangyari ang krimen sa Pasig City, ang siyang nagdala ng nakabalot sa wrapper na

bomb gift sa opisina ng biktimang si Yvonne Geraldine Giselle Padilla-Chua sa pinagtatrabahuhan nito sa Parañaque City noong Disyembre 28, 2010.

Nang iuwi ni Padilla-Chua ang gift sa kanilang bahay at buksan kinabukasan ng umaga, bigla na lamang itong sumabog na ikinamatay ng ginang.

Hindi naman nasaktan sa insidente ang batang babaeng anak nito na halos kalapit lamang ng ina nang mangyari ang insidente.

Ayon sa imbestigasyon noon ng pulisya, natuklasan na isang fragmentation hand grenade ang laman ng regalo.

Sinasabing family conflict ang motibo sa krimen at kabilang sa sinampahan ng pulisya ng demanda noon ay ang dalawang kaanak ng biktima na sinasabing siyang mastermind sa krimen at ang nahuling suspek na kasambahay ng mga ito na siya naman umanong napag-utusan na magdala ng sumabog na regalo.

Nasa kustodiya na ito ngayon ng Tayabas City Police at nakatakdang i-turn-over sa korte sa Pasig City.

(NILOU DEL CARMEN)

51

Related posts

Leave a Comment