TULOY-TULOY ang paggamit ng state universities at colleges o SUCs bilang quarantine facilities hangga’t kailangan ng local governments ang pasilidad para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera na may 28 state unviersities at colleges ang ginagamit ngayon bilang quarantine facilities habang nananatiling
ipinagbabawal ang klase sa mga campus dahil sa coronavirus pandemic.
Simula pa noong Hunyo, inalok na ng SUCs ang kanilang mga campus sa local governments para magamit bilang quarantine facilities.
Tinatayang may 20,000 locally-stranded individuals, asymptomatic patients, at suspected COVID-19 cases ang napagsilbihan ng mga campus na ito.
Tiniyak naman ni De Vera na ligtas ang skeleton workforce na kailangang mag-report sa mga eskwelahan dahil bahagi lamang ng gusali ang ginagamit bilang quarantine facilities at hindi ang
buong campus.
Samantala, sinabi ni De Vera na may 731 mula sa 2,400 higher education institutions (HEIs) ng bansa ang nakatakdang magsimula ng klase ngayong Agosto. (CHRISTIAN DALE)
