UMATRAS ang pangunahing testigo sa malawakang korapsiyon at mismanagement sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) dahil tinakot, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na nakapanghihinayang ang pagback-out ni Etrobel Laborte, dating top aide ni PhilHealth president at CEO Ricardo Morales na tumestigo sa mga anomalya sa ahensiya sa ‘last minute’ na posibleng dahil tinatakot ito.
Sinabi ni Lacson na nag-log in si Etrobel Laborte, dating head executive assistant ni Morales na nagbitiw noong Hulyo, sa video conferencing platform ng Senado ngunit bigla itong umalis at hindi
na sasali sa hearing.
“Nag-log in siya sa hearing, biglang nag-logout. ‘Wag na lang daw. Kung puwede ‘wag na daw siyang makisali,” ani Lacson sa interview sa Teleradyo.
Sinabi ni Lacson na hindi ito unang pagkakataon na biglang nagbago ng isip si Laborte hinggil sa impormasyon na kanyang nalalaman sa scam at corruption sa PhilHealth.
“Nakiusap sa ‘kin na baka puwedeng mag-audience siya sa ‘kin,” ayon sa senador.
“Ang unang attempt, siya ang excited… Siya ang enthusiastic. Hindi ko nga siya kilala. Siya nag- contact sa amin,” ayon kay Lacson sa online press conference.
“Last minute, nagpasabi siya na under threat siya kaya hindi na natuloy ‘yung aming meeting,” aniya.
Naniniwala si Lacson na may nagbabantay kay Laborte kaya umayaw sa pagtestigo.
“May event na nag-intervene ibig sabihin… baka yesterday [kaya siya nag logout sa hearing], ganun din,” aniya.
Matatandaan na kasali si Laborte sa shouting match sa executive Zoom meeting ng ahensiya noong nakaraang linggo.
Si Laborte ang tumukoy sa ilang discrepancies sa IT budget ng ahensiya.
Sinabi ni Lacson na malaki ang nawala sa pagdinig sa pag-ayaw ni Laborte sa pagtestigo dahil marami itong alam.
“Unang-una, nagre-research siya. Wala siyang affidavit na sinubmit pero nagbigay lang siya ng dokumento,” giit pa ng mambabatas.
Ayon kay Lacson na base sa dokumentong ibinigay ni Laborte sa Senado na inaprubahan ni Morales ang panukalang bumili ng switches na overpriced ng P3 milyon.
Hindi rin personal na dumalo si nagbitiw na PhilHealth anti-fraud official Thorrson Keith bagkus lumahok sa pamamagitan ng videoconferencing.
Natatakot daw sila kaya kung puwede hindi na pumunta,” ayon kay Lacson.
“Ramdam natin na mayroong harassment… Kaya sila i-harass,” giit pa ni Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na kanyang kukumbinsihin si Laborte, kasamang nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) na ikonsidera ang kanyang pag-ayaw at dumalo sa Senado.
“May kultura kami sa PMA… may dividing line ang pagiging squealer sa pagtulong sa isang investigation,” paliwanag ng senador.
“Sabi ko sa kanya (Laborte), kung tama ‘yung pinaglalaban mo, hindi squealing ang tawag diyan. Advocacy ‘yan, tumutulong ka,” giit pa niya.
Ayon kay Lacson, kahit puwede nilang i-subpoena si Laborte at ilan pang mga insider na maraming nalalaman sa mafia, hahayaan na lamang nila upang mapanatili ang “goodwill.”
“Ayaw naman namin sila ilagay on the spot. Marami sa kanila takot sa sinasabi nilang mafia dahil easily puwede silang ipatapon, ipasuspinde o kasuhan,” aniya. (ESTONG REYES)
89