TEVES GUSTO NANG BUMALIK MULA US PERO BANTULOT SA SEGURIDAD – TOPACIO

GUSTO nang bumalik ni Congressman Arnie Teves sa Pilipinas matapos magpa-stem cell sa Estados Unidos

Ito ang sinabi ni Atty Ferdinand Topacio, lead counsel ni Teves hinggil sa panawagan ni House Speaker Martin Romualdez na umuwi na sa Pilipinas para sagutin ang mga alegasyon dito.

Si Teves ay sinasabing nasa US para sa medical procedure noong panahon na mabaril at mapatay si Governor Roel Degamo.

Ayon kay Topacio, gusto nang bumalik sa Pilipinas ni Teves pero bantulot dahil sa mga banta sa buhay sa kanyang kliyente.

Sinabi ni Topacio na walang kasiguruhan sa kanilang kampo kung maiingatan ang seguridad ni Teves.

Nilinaw naman ni Atty. Edward Santiago na scripted lamang umano ang nangyaring pagsalakay sa mga bahay ni Teves.

Anya, hindi sinunod ng raiding team ang protocol sa pagbusisi sa bahay ni Teves dahil ang raiding team ay walang mga body cam at may isang oras nang nag-iimbestiga sa loob ng bahay ni Teves bago kumuha ng witness sa kampo ng kongresista sa pagbusisi sa bahay nito.

Nilinaw rin nito na ang warrant ng mga pulis ay para sa pag-search sa granada pero ang kinuha sa bahay ay mga baril at may mali sa sistema ng pag-isyu ng warrant.

Wala rin umano silang alam kung bakit may ulat na absent ang mga pulis na nagbabantay kay Degamo nung maganap ang pamamaslang dito.

Nanawagan din si Atty. Toby Diono na kasuhan si Teves para masagot nila ang mga kaso na idinidiin sa kliyente.

Sinabi rin ng mga ito na may alam din sila kung sino ang nasa likod ng pagdawit kay Teves sa Degamo slay.

Hiningi ni Topacio ang patas na pagbusisi sa kaso dahil hanggang ngayon ay nananatiling inosente ang kliyente at wala pang matitibay na ebidensya na siya nga ang may kinalaman sa Degamo slay.

467

Related posts

Leave a Comment