KINUWESTYON ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang pagiging angkop ng pagtalakay sa usapin ng LGBT sa isang textbook para sa mga mag-aaral sa Grade 1.
Sa budget deliberations sa Senado, ipinakita ni Sotto ang bahagi ng isang aklat na tumatalakay sa pagtanggap sa mga LGBT.
Nilinaw ng senador na hindi niya kinukuwestiyon ang ideolohiya ng LGBT kundi ang pagiging angkop ng pagtuturo nito sa mga batang nasa unang baitang at kung nararapat bang talakayin ang naturang paksa sa paaralan.
Sa halip, iminungkahi ni Sotto sa Department of Education (DepEd) na unahin ang paglalathala ng mga libro at iba pang kagamitang panturo tungkol sa pagsugpo sa bullying at drug abuse, mental wellness, kasaysayan at financial literacy.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga estudyante ng wastong pangangasiwa ng pera, gaya ng ginagawa sa Singapore.
Ayon kay Sotto, mas dapat bigyang-prayoridad ang mga naturang paksa kaysa sa mga kontrobersiyal na isyung tinututulan ng ilang grupong Katoliko, Kristiyano at Muslim.
Bukod dito, kinuwestiyon din ng senador ang paggamit ng Grade 3 textbook na may QR code na nagli-link sa isang video tungkol sa Bulkang Mayon mula sa China Global Television Network (CGTN), isang media network na pag-aari ng pamahalaan ng China.
Ang naturang aklat ay pinamagatang Bandila: Makabansang Pilipino 3, na inilathala ng St. Augustine Publications.
Tinanong ni Sotto kung bakit gumagamit ng dayuhang sanggunian sa pagtuturo sa mga estudyanteng Pilipino tungkol sa sariling bansa.
Inamin naman ni Senator Bam Aquino, sponsor ng panukalang budget, na nakababahala ang mga isyung ipinakita ni Sotto at nangako siyang sisiyasatin ito ng DepEd.
(DANG SAMSON-GARCIA)
26 