VILLAR, ISINUSULONG MAS MATIBAY NA PROTEKSYON LABAN SA ABUSADONG ONLINE LENDING APPS

ISINUSULONG ni Senator Mark Villar ang mas mahigpit na regulasyon at pagbabantay ng pamahalaan sa mga online lending application (OLA) kasunod ng dumaraming reklamo hinggil sa labis na taas ng interes, mapang-abusong paniningil at mapanlamang na sistema ng pagpapautang na lalong nagpapabaon sa utang sa mga Pilipino.

Sa pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, binigyang-pansin ni Villar ang mga reklamong natanggap ng kanyang tanggapan mula sa mga indibidwal na humihingi ng tulong laban sa kwestyonableng gawain ng ilang online lending platform.

Ayon sa senador, maraming Pilipino ang napipilitang umutang sa mga naturang aplikasyon dahil sa kagipitan sa pananalapi, ngunit sa halip na makatulong ay lalo silang nababaon sa utang dahil sa sobrang singil, paulit-ulit na pangungutang at mapang-abusong paraan ng paniningil.

“Marami na po tayong natatanggap na reklamo tungkol sa mga online lending app, lalo na sa mga nangungutang na nababaon sa utang dahil sa tinatawag na ‘debt trap’ at ‘tapal system’ na dulot ng mapanlamang na sistema ng pagpapautang ng ilang OLA,” ani Villar.

Kabilang sa mga reklamong natanggap ang labis na interes, kwestiyonableng pamamaraan ng paniningil at iba pang uri ng pang-aabuso na higit na nakaaapekto sa mga taong nasa mahirap na kalagayang pinansyal.

Binigyang-diin niya na hindi mayayaman ang karamihan sa mga nanghihiram sa mga serbisyong ito at lalo lamang lumalala ang kanilang sitwasyon dahil sa walang tigil na pangungulit at pananakot sa pamamagitan ng mga tawag at text message.

Bilang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) at chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, iginiit ni Villar ang pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon at pagpapatupad ng mga batas upang maprotektahan ang mga mamimili.

Ipinaliwanag naman ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kailangang magparehistro at sumunod sa umiiral na regulasyon ang mga online lending company. Naglalabas din ang komisyon ng mga pampublikong babala laban sa mga hindi awtorisado o kwestiyonableng aktibidad sa pagpapautang.

Maaari ring magpataw ang SEC ng parusa, magsuspinde ng operasyon o magbawi ng lisensya ng mga kumpanyang mapatutunayang lumalabag sa mga regulasyon.

Humingi rin si Villar ng update sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa mga hakbang nito laban sa financial scams at pagpapalakas ng proteksyon sa mga mamimili.

Iniulat ng BSP na pinahusay nito ang mga rekisito sa fraud management at information technology, gayundin ang mga mekanismo sa pagtatanong at pansamantalang pagpigil sa paggalaw ng pondo sa ilalim ng AFASA framework.

Nakikipag-ugnayan din ang BSP sa mga kinauukulang ahensya at institusyong pinansyal upang maiwasan, maimbestigahan at mapigilan ang mga financial scam.

Patuloy rin nitong sinusubaybayan ang mga institusyong pinansyal upang matiyak ang pagsunod sa wastong pamantayan sa pagpapautang, pagsusuri sa kakayahan ng mga nanghihiram na magbayad at pagpapalakas ng proteksyon sa mga mamimili.

Binigyang-diin ni Villar na kailangan ang tuluy-tuloy na pagkilos ng pamahalaan at mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya upang mapanagot ang mga sangkot sa mapang-abusong pagpapautang.

Bukod sa AFASA, inihain din niya sa 20th Congress ang Senate Bill No. 91 o panukalang Philippine Scam Prevention Center Act at Senate Bill No. 92 o panukalang Enhanced Consumer Act of the Philippines.

Tiniyak ng senador na paiigtingin pa ng kaniyang komite ang pagsusuri sa mga reklamo laban sa online lending applications at isusulong ang mga repormang magtitiyak ng mas ligtas at responsableng sektor ng pananalapi sa bansa.

(DANNY BACOLOD)

46

Related posts

Leave a Comment