TINATAYANG 9.8 milyong pamilyang Pilipino, o katumbas ng 37 porsiyento ng mga respondent, ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang sarili sa ikatlong kuwarter ng 2026, batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Ayon sa OCTA, walang makabuluhang pagbabago sa naturang bilang kumpara sa ikalawang kwarter, kung kailan umabot sa 39 porsyento o tinatayang 10.3 milyong pamilya ang nagsabing mahirap sila.
Pasok pa rin sa ±3 porsiyentong margin of error ng survey ang naturang pagbabago.
Samantala, 42 porsiyento ng mga respondent ang hindi matukoy kung mahirap sila o hindi, habang 21 porsiyento naman ang nagsabing hindi nila itinuturing na mahirap ang kanilang sarili.
Batay sa rehiyon, pinakamataas ang porsyento ng mga pamilyang nagsabing mahirap sila sa Mindanao na umabot sa 56 porsyento.
Sinundan ito ng Visayas na may 49 porsiyento, Balance Luzon na may 26 porsiyento at National Capital Region (NCR) na may 20 porsyento.
Sa socioeconomic classification naman, 52 porsiyento ng mga kabilang sa Class E ang nagsabing mahirap sila. Nasa 38 porsiyento naman sa Class D at 17 porsiyento sa Class ABC.
Batay pa sa survey, ang median o panggitnang buwanang gastusin ng mga pamilyang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap ay P18,000, habang tinatayang P5,000 pa ang kulang sa kanilang badyet.
Nilinaw ng OCTA na ang mga halagang ito ay batay sa sariling pagtataya ng mga respondent at hindi opisyal na sukatan ng poverty line.
Samantala, umabot naman sa 22 porsiyento o tinatayang 5.8 milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng hindi kusang pagkagutom o kawalan ng makain kahit isang beses sa loob ng tatlong buwang sinaklaw ng survey.
Bahagya itong mas mataas kumpara sa 21 porsiyento o 5.6 milyong pamilyang naitala noong ikalawang kwarter, ngunit hindi pa rin maituturing na makabuluhang pagbabago.
Sa kabilang banda, 78 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing hindi sila nakaranas ng gutom kahit minsan sa nakalipas na tatlong buwan.
Ayon sa OCTA, sa mga pamilyang nakaranas ng gutom, humigit-kumulang 83 porsiyento ang nagsabing nangyari ito nang isang beses lamang o ilang beses.
Pinakamataas ang naitalang insidente ng gutom sa NCR at Visayas na kapwa nagtala ng 29 porsiyento. Halos kalahati naman o 49 porsiyento ng mga respondent na kabilang sa Class E ang nagsabing nakaranas sila ng gutom.
Wala ring makabuluhang pagbabago sa bilang ng mga pamilyang itinuturing na salat sa pagkain o food-poor sa ikatlong kwarter.
Nasa 27 porsiyento o tinatayang 7.1 milyong pamilya ang nagsabing salat sila sa pagkain, bahagyang mas mababa sa 28 porsiyento o 7.4 milyong pamilyang naitala noong ikalawang kwarter.
Ipinaliwanag ng OCTA na ang food poverty ay tumutukoy sa kalagayan kung saan nahihirapan ang mga indibidwal at pamilya na makakuha ng sapat at masustansyang pagkain.
Batay sa rehiyon, pinakamataas ang porsyento ng mga pamilyang nagsabing salat sila sa pagkain sa Mindanao na umabot sa 54 porsyento.
Sinundan ito ng Visayas na may 35 porsiyento, Balance Luzon na may 16 porsiyento at NCR na may 10 porsyento.
Sa socioeconomic classification, 34 porsiyento ng mga pamilyang kabilang sa Class E ang nagsabing salat sila sa pagkain. Nasa 30 porsiyento naman sa Class D at anim na porsyento sa Class ABC.
Samantala, tumaas mula 27 porsiyento patungong 33 porsiyento ang mga pamilyang nagsabing hindi sila salat sa pagkain, habang bumaba mula 45 porsiyento patungong 40 porsiyento ang mga hindi makapagpasya.
Isinagawa ang Tugon ng Masa non-commissioned survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 lalaki at babaeng nasa hustong gulang.
Mayroon itong ±3 porsiyentong margin of error sa 95 porsiyentong confidence level. Para naman sa mga pagtataya sa bawat rehiyon, nasa ±6 porsiyento ang margin of error sa parehong confidence level.
(CHRISTIAN DALE)
25 