WALA pang napagkakasunduang pinal na mga tuntunin ang Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng kasunduan sa kalakalan na inanunsyo ni US President Donald Trump sa kanyang pagbisita sa bansa, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi pa pinal ang kasunduan, kabilang ang takdang panahon ng pagpapatupad nito.
“Wala pang terms,” ayon kay Castro.
Ipinaliwanag niyang napag-usapan pa lamang ng dalawang panig ang pagpapabilis sa mga transaksyon at pagtatrabaho ng kanilang mga kinatawan upang maisakatuparan ang mga posibleng kasunduan.
“Pinag-usapan lang po ay bilisan kung anoman transaction na maaaring mangyari, bilisan ang pagtatrabaho mula sa representative ng Pilipinas at sa representative ng US,” aniya.
Nauna nang inanunsyo ni Trump na mag-aangkat ang Pilipinas ng 100 porsiyento ng mga produktong agrikultural at pangangailangan nito sa enerhiya mula sa Estados Unidos simula Enero 1 ng susunod na taon.
Gayunman, sinabi ni Castro na wala pang tiyak na petsa ng pagpapatupad ng kasunduan dahil hindi pa naihaharap ng mga miyembro ng Gabinete ang kanilang mga rekomendasyon.
Nilinaw din ng opisyal na mananatili ang kalayaan ng Pilipinas na kumuha ng mga produkto at pangunahing pangangailangan mula sa iba pang mga supplier.
“Ang lahat po na gagawin na transaction ay makakabuti, kung di man makakabuti pareho sa dalawang bansa, makakabuti ito dapat sa Pilipinas,” paliwanag ni Castro.
Binigyang-diin niyang nakasalalay sa kapakinabangan ng bansa ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpili ng mga supplier.
“Depende sa sitwasyon. Kung saan mas makakabuti sa bansa natin, ‘yun po ang gagawin ng Pangulo. Halimbawa, ‘yung dati nating pinagkukunan ng source, mas mataas o hindi na available o mahirap pasukin, talagang maghahanap ang Pangulo ng bagong source,” dagdag pa ni Castro.
(CHRISTIAN DALE)
39 