PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI makatarungan na hindi ipinaalam sa mga kaanak ang pagkamatay ng isang Chinese national na nalagutan ng hininga habang nakapiit sa Bureau of Immigration (BI) Warden Facility sa Muntinlupa City kamakailan.
Batay sa impormasyon na nakarating sa PUNA, hindi raw nakayanan ng Chinese national na ito ang hirap sa loob ng piitan ng ahensiya kaya inatake siya sa puso. Dinala sa isang ospital sa Muntinlupa City ang dayuhan subalit nalagutan ito ng hininga habang papunta pa lang sa pagamutan.
Kahina-hinala na hindi nakayanan ng Chinese national ang hirap na kanyang naranasan kaya inatake ito sa puso na naging dahilan ng kanyang pagpanaw. Anong klaseng hirap ang inabot niya na naging dahilan ng kanyang kamatayan? Hindi kaya may kinalaman sa pera ang dahilan?
Batay sa ating natanggap na impormasyon, isa sa mga hinuli ng BI sa isang pagawaan ng bakal sa Davao City, ang Chinese na ito at dahil sa kakulangan ng working permits kaya siya inaresto ng mga tauhan ng Immigration.
Ayon pa sa impormasyon. itinago umano sa publiko at maging sa mga kaanak ng biktima ang nangyari sa kanya. Dahil dito, dismayado ang mga kamag-anak ng Chinese national sa pangyayari partikular sa pangasiwaan ng kulungan na para sa mga dayuhan.
Kahit sinoman ay masakit sa kanila na mababalitaan na lang nila bandang huli na ang kanilang kaanak ay namatay habang nasa loob ng kulungan sa ibang bansa pa tulad ng Pilipinas. Bakit kailangan pang itago kung normal lang ang pagkasawi. May something ba? Duda tuloy ng ilan na may “foul play” na nangyari.
Hindi isolated ang mga ganitong pangyayari na may nasasawi sa mga bilangguan na hindi ipinaaalam sa kanilang pamilya. Hindi sila hayop, sabihin na natin may pagkakasala sila sa batas na dapat panagutan, hindi natin pwedeng ilagay ang batas sa ating mga kamay. Kung wala man silang pera na ibibigay sa inyo ay itrato niyo silang mga tao. Ang mga bilangguan ay hindi po mga boarding house na kailangang magbayad ang mga nakakulong sa mga guwardiya na nagbabantay sa kanila.
At hindi rin hostage ng mga guwardiya ang mga tinawag na “person deprived of liberty” o PDL, lalo na ang Chinese national dahil ang kanyang kasong kinahaharap ay simpleng working permit lang na dahilan ng pagkakakulong. Kung sa Pilipino man mangyari ‘yan sa ibang bansa ay hindi rin tayo matutuwa na ganoon ang sasapitin ng ating kababayan.
Hindi dapat itong palagpasin ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado, dapat managot ang may pagkakasala kung mayroon man. Dapat magkaroon ng makatotohanang imbestigasyon sa pangyayaring ito. Dapat maimbestigahan din ang mga nasa likod ng tinatawag na VIP treatment sa ilang dayuhang may pera na nakakulong sa BI Warden Facility. ‘Wag nilang gawin “palabisan” ang PDL riyan sa BI Warden Facility. Mauulit at mauulit ang pagkakasawi ng mga preso riyan kung hindi matitigil ‘yang VIP treatment.
Kamakailan, ibinulgar ng isang dating Russian vlogger na napiit din sa BI facility na ito, ang kanyang personal na karanasan sa kalupitan ng mga namumuno sa bilangguan na ito. Isiniwalat din niya na may VIP treatment sa high-profile inmates na nagbabayad ng malaking halaga upang maging maganda ang kanilang pamumuhay sa loob ng piitan.
Kung walang pera ang nakakulong ay ‘wag siyang itatratong parang hayop, itrato siyang tao. ‘Wag natin dagdagan ang sama ng loob ng gobyerno ng China sa Pilipinas, hangga’t maaari gawin natin ang ikabubuti para sa ating bansa.
Commissioner Viado, sir, command responsibility n’yo ang mga bantay at pamunuan ng BI Warden Facility. Wala pong ibang pwedeng magbibigay ng utos sa kanila kundi kayo rin, sir.
Para sa panig ni Commissioner Viado, pwede n’ya po tayong i-text o tawagan sa cell# 0977-751-1840 o mag-email sa operario45@gmail.com.
28 