GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
P170,598.03, iyan ang halagang tinatayang bahagi ng bawat Pilipino sa pambansang utang ng Pilipinas. At ngayon, nais ni Senator Alan Peter Cayetano na magkaroon ng paraan upang makapagbigay ng boluntaryong bayad ang mga Pilipinong gustong tumulong sa pagbabayad nito.
Boluntaryo naman daw. Pero teka lang, hindi ba sapat ang mga buwis na araw-araw nating binabayaran? Para saan pa ang 12% VAT kung kailangan pa nating maglabas ng sariling pera para sa utang ng pamahalaan?
Hindi naman tayo nagkukulang sa pagbabayad ng buwis. Sa bawat bilihin, pamasahe, bayarin at iba pang gastusin, ramdam ng ordinaryong Pilipino ang bigat ng mga singilin.
May mga pamilyang hirap na hirap pagkasyahin ang kanilang sahod, samantalang ang iba ay kailangang mamili kung pagkain ba o bayarin ang kanilang uunahin. Ngayon, gusto pa nating isipin kung paano magbibigay ng mahigit P170,000 para sa utang ng bansa?
Hindi ko sinasabing masamang tumulong. Kung may mga Pilipinong may kakayahan at kusang loob na gustong magbigay, karapatan nila iyon. Ngunit hindi ba mas dapat nating pag-usapan kung bakit patuloy na lumalaki ang utang ng pamahalaan at kung paano ginagastos ang perang hiniram?
Tayo ba ang umutang niyan? Tayo ba ang nagpasya kung saan gagastusin ang bilyon-bilyong pisong hiniram? Ginusto ba nating lumaki ang utang ng bansa? At higit sa lahat, nakatitiyak ba tayong nagamit ang lahat ng perang iyon sa tama at sa kapaki-pakinabang na paraan?
Hindi lahat ng utang ng pamahalaan ay nangangahulugang ninakaw o nasayang ang pera. May mga hiniram na ginagamit para sa imprastraktura, serbisyong panlipunan at iba pang pangangailangan ng bansa. Ngunit hindi rin maikakaila na may mga pagkakataong nasasangkot ang pampublikong pondo sa katiwalian. Kaya bago manghingi ng dagdag na ambag sa mamamayan, dapat munang tiyakin na bawat pisong hiniram at ginastos ay may malinaw na paliwanag at pananagutan.
Kung talagang nais nilang mabawasan ang utang, bakit hindi unahin ang paghabol sa mga nagnakaw sa kaban ng bayan? Bakit hindi singilin ang mga opisyal na nagpabaya sa kanilang tungkulin? Kung may perang nawaldas dahil sa katiwalian, bakit hindi iyon ang unang hanapin at bawiin sa pamamagitan ng batas?
Napakadaling sabihin na ang taumbayan ay dapat maging makabayan at tumulong sa bayan. Pero nasaan ang parehong sigasig kapag pananagutan na ng mga nasa kapangyarihan ang pinag-uusapan?
Hindi dapat gawing obligasyon ng ordinaryong Pilipino ang pagsalo sa bawat problemang hindi naman nila direktang nilikha. Hindi rin dapat gamitin ang pagmamahal sa bayan upang pagtakpan ang kapabayaan ng mga namumuno.
Kung nais ng mga politiko na mag-ambag ang mamamayan, dapat makita muna natin na ginagawa nila ang kanilang bahagi. At kung may mga opisyal na hindi kayang gampanan ang kanilang tungkulin nang tapat, marahil mas mabuting magbitiw na sila at tuluyang magretiro sa serbisyo publiko.
Hindi tayo ang umutang, at hindi tayo ang dapat unang singilin. Kung gusto ninyong mabawasan ang utang ng bansa, magsimula kayo sa paglilinis ng sarili ninyong bakuran.
Huwag ninyong ipasa sa taumbayan ang bigat ng problemang kayo mismo ang may tungkuling solusyunan.
31 