$17B KASUNDUAN SA AMERIKA: TRABAHO PARA SA MGA AMERIKANO, NASAAN ANG PAKINABANG NG MGA FILIPINO?

TAMBULI ni JESSE RUIZ

MALAKING panalo para sa ekonomiya ng Estados Unidos, ngunit ano naman ang tunay na mapapala ng sambayanang Pilipino sa multibillion-dollar trade deal?

Ito ang mahalagang tanong na dapat sagutin ng administrasyong Marcos sa likod ng mahigit US$17 bilyong halaga ng mga kasunduang pangkomersyo at pamumuhunan na inanunsyo ni US President Donald Trump matapos ang kanyang pagbisita sa Pilipinas.

Ipinagmamalaki ng White House na ang mga kasunduang ito ay lilikha o susuporta sa libo-libong trabaho para sa mga manggagawang Amerikano.

Kabilang sa pinakamalaking transaksyon, mga katoto, ang US$12 bilyong pagbili ng Philippine Airlines (PAL) ng hanggang 20 Boeing 787 aircrafts na gagamitan ng makina mula sa GE Aerospace. Tinatayang 47,000 trabaho sa Estados Unidos ang masusuportahan ng naturang transaksyon, ayon sa White House.

Mayroon ding mahigit US$2 bilyong military financing package para sa pagbili ng mga kagamitang pandepensa mula sa mga kompanyang Amerikano, bukod pa sa mga proyektong may kaugnayan sa satellite communications, imprastraktura at enerhiya.

Sa madaling salita, malinaw ang direksiyon ng estratehiyang isinusulong ng negosyanteng si Trump: palakasin ang industriya ng Amerika, dagdagan ang trabaho para sa mamamayang Amerikano at tiyaking ang mga bansang kaalyado nito ay magiging mahalagang merkado ng kanilang mga produkto at teknolohiya.

Mainit na isyu ngayon ang sigaw ng karamihan sa Department of Foreign Affairs na linawin kung nakatali ba ang Pilipinas sa isinusulong na trade deal ni Trump sa bibig ng sambayanang Filipino.

Gaano katotoo ang usaping kailangan na 100 percent ng mga pangangailangan ng Pilipinas sa supply ng pagkain o agrikultura at maging sa enerhiya, ay 100 percent na bibilhiin sa mga Kano.

Hindi masama ang pagkakaroon ng matibay na ugnayang pangkalakalan sa Estados Unidos. Matagal nang magkaalyado ang Pilipinas at Amerika, at mahalaga ang kanilang pagtutulungan sa seguridad, kalakalan at pamumuhunan.

Subalit hindi dapat maging bulag ang Pilipinas sa katotohanang sa likod ng bawat kasunduang ito ay may kanya-kanyang pambansang interes na pinangangalagaan ang bawat bansa.

Kung trabaho para sa mga Amerikano ang pangunahing ipinagmamalaki ng Washington, nararapat lamang na itanong: Ilang trabaho naman ang malilikha para sa mga Filipino?

Ilang lokal na kompanya ang makikinabang? At gaano kalaki ang direktang maiaambag nito sa ating sariling ekonomiya?

Hindi sapat na sabihing makikinabang ang Pilipinas dahil bibili tayo ng mga eroplanong Amerikano, kagamitang militar at iba pang produkto. Kailangang tiyakin na may katumbas din na oportunidad para naman sa ating mga manggagawa, inhinyero, lokal na industriya at maliliit na negosyo.

Lalong dapat pagtuunan ng pansin ang pangako na palalakihin ng Pilipinas ang pag-angkat ng produktong agrikultural at enerhiya mula sa Estados Unidos upang mabawasan ang trade deficit nito sa ating bansa.

Hindi ba dapat unahin ding palakasin ang sariling agrikultura? Paano ang ating mga magsasaka na patuloy na nakikipagbuno sa mataas na presyo ng pataba, binhi, krudo at iba pang gastusin sa produksyon?

Kung mas bibigyan ng puwang ang mga imported na produktong agrikultural, dapat tiyakin na hindi malulugi ang ating mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Hindi dapat maging kapalit ng mas malawak na kalakalan sa Amerika ang paghina ng sariling kakayahan ng Pilipinas na magprodyus ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa usapin naman ng depensa, mahalagang mapalakas ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines upang mapangalagaan ang ating teritoryo at karapatan sa karagatan. Ngunit dapat ding maging malinaw ang mga kondisyon ng military financing, ang halaga ng mga kagamitang bibilhin at ang magiging obligasyon ng pamahalaan.

Hindi dapat mauwi sa pagdepende sa dayuhang teknolohiya at kagamitan ang ating hangaring magkaroon ng matatag na depensa.

Isa pang mahalagang usapin ang transparency. Dapat ilahad sa publiko ang mga detalye ng mga kasunduan, kabilang ang mga obligasyon ng Pilipinas, mga benepisyong matatanggap nito at mga posibleng epekto sa ating ekonomiya.

Mahalagang linawin din na ang mahigit US$17 bilyong halaga ay kabuuan ng mga kasunduang pangkomersiyo at pamumuhunan sa ilang bansa sa Timog-Silangang Asya, hindi lahat ay direktang transaksyon ng Pilipinas at Estados Unidos. May ilan ding proyekto na nangangailangan pa ng karagdagang negosasyon at pagpapatupad.

Samakatuwid, hindi dapat ipagmalaki ang malaking halagang inanunsyo bilang katumbas na agad ng perang papasok sa kaban ng Pilipinas.

Dapat ding gamitin ng administrasyong Marcos ang pagkakataong ito upang makipagnegosasyon para sa mas malawak na paglipat ng teknolohiya, pagsasanay sa mga Filipino, paglikha ng trabaho sa loob ng bansa at paglahok ng mga lokal na kompanya sa mga proyektong pinopondohan ng dayuhan.

Hindi naman kailangang mamili ang Pilipinas kung Amerika o sariling ekonomiya ang susuportahan. Ang dapat gawin ay tiyaking ang bawat pakikipagkalakalan at pakikipagkasunduan sa alin mang bansa ay may malinaw na pakinabang sa sambayanang Filipino.

Hindi dapat maging palengke lamang ang Pilipinas para sa mga produktong Amerikano habang ang pangunahing benepisyo ay napupunta sa kanilang mga manggagawa at industriya.

Kung tunay na magkatuwang ang dalawang bansa, dapat kapwa silang umunlad. Hindi lamang dapat lumago ang mga pabrika sa Amerika; dapat ding magkaroon ng bagong industriya sa Pilipinas. Hindi lamang dapat dumami ang mga trabaho sa Estados Unidos; dapat ding magkaroon ng disenteng hanapbuhay ang mga Filipino.

Sa huli, hindi ang laki ng dolyar na nakasulat sa mga kasunduan ang dapat maging sukatan ng tagumpay ng administrasyon.

Ang tunay na sukatan ay kung bumaba ang kahirapan, dumami ang mga trabaho, lumakas ang lokal na industriya, umunlad ang agrikultura at gumanda ang buhay ng karaniwang pamilyang Filipino.

Mabuti kung 47,000 trabaho ang susuportahan ng kalakalan para sa mga Amerikano. Ilang milyong Filipino naman kaya ang mabibigyan ng mas magandang kinabukasan dahil sa mga kasunduang ito?

Hindi dapat Amerika lamang ang makinabang sa pakikipagkaibigan sa Pilipinas. Panahon nang tiyakin na ang bawat dolyar na ipinapasok sa ating bansa ay nagbubunga rin ng tunay na kaunlaran para sa ating sariling mamamayan.

27

Related posts

Leave a Comment