NOGRALES PABOR SA ONLINE CIVIL SERVICE EXAMS

IKINATUWA ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang pagtugon ng Civil Service Commission (CSC) sa panawagan na idaan sa online ang government eligibility examination.

“Nagagalak tayo na kinikilala ng CSC ang pangangailangan na mag-adjust ayon sa dinidikta ng panahon. Kaisa ako ng ibang kababayan nating nananalig na maihabol pa natin na magkaroon ng civil service exam ngayong huling quarter ng taon,” ani Nograles.

Ginawa ng bagitong mambabatas ang pahayag matapos ihayag ni CSC commissioner Aileen Lizada na idadaan na sa online ang “examination, recruitment at placement office” habang nasa gitna ng pandemya ang bansa.

Isa si Nograles sa mga nangalampag sa CSC na maghanap ng alternatibong paraan para matuloy ang civil eligibility examination na nasuspinde dahil sa pandemya sa COVID-19.
Ayon sa mambabatas, kailangang matuloy ang pagsusulit na ito upang makahanap ng trabaho sa gobyerno ang mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay sa pribadong sektor dahil sa pandemya.

Base sa report ng Department of Budget and Management (DBM), umaabot pa sa 77,874 ang vacant positions sa gobyerno kasama na ang civilian at military/uniformed personnel.

“The times are calling for it. This is something we should have been doing already in the past that perhaps many of us have been viewing as ‘optional’. That’s not the case these days. We cannot over-emphasize this—we must go online as soon as possible,” ani Nograles.

Tanging ang online exam ang natitirang opsyon para magkaroon ng dagdag na oportunidad ang mga tao lalo na ang mga nawalan ng trabaho sa pribadong sektor.

“Hanggang ngayon takot ang mga tao na lumabas. This fear should guide us towards improving our services by identifying which of our operations do not actually need to be done in person, and make the necessary changes,” saad pa ng mambabatas.

Pinasalamatan din ng Harvard trained lawyer si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsuporta nito sa online examination sa CSC dahil ito lang ang daan para makapasok at makapagtrabaho ang mga tao sa gobyerno lalo na ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. (BERNARD TAGUINOD)

405

Related posts

Leave a Comment