RAPIDO NI PATRICK TULFO
SINO kaya itong isang opisyal ng gobyerno na nangakong tutulong sa problema ng isang grupo ng OFWs sa kanilang abandonadong balikbayan boxes sa BOC pero iniwan din silang nakanganga?
Ayon sa ating impormante, laking tuwa nila nang mag-commit ang naturang govt. official sa kanilang grupo, na bukod sa pagtulong sa paglalabas ng mga kahon mula sa BOC, ay hahabulin din nito ang mga nasa likod ng problema.
Pero wala nang narinig pa sa naturang opisyal matapos magbitiw ito ng pangako.
Unang-una, nagtataka tayo kung saan kukunin ng naturang opisyal ang budget para mai-release ang containers mula sa Bureau of Customs at para maihatid ito sa mga pamilya ng OFWs, dahil wala namang kinalaman ang opisina nito sa problema ng OFWs, at iba ang mandato ng kanyang opisina.
At imposible naman na gamitin niya ang pondo ng kanyang opisina dahil maaari siyang kasuhan dahil dito.
Sa huli ay napilitan ang grupong ito na sila na ang mismong kumilos para mailabas ang kanilang balikbayan boxes na nasa Custom dahil halos isang taon na ito.
***
Isa sa pinakamagandang solusyon na binuo ng Department of Migrant Workers (DMW) sa problem sa abandonadong balikbayan boxes sa BOC, ay ang panukalang mandatory na cash bond sa mga kumpanya dito sa Pinas na nasa cargo business.
Ang cash bond ay maaaring gamitin upang mai-deliver ang balikbayan boxes kapag ito ay ibinigay na sa pangangalaga ng DMW mula BOC, sa pamamagitan ng donation.
Ito ay kasalukuyang pinaplantsa na sa DMW at inaasahang maipatutupad sa darating mga linggo at buwan.
