AKOOFW ni DR. CHIE UMANDAP
MAGKAHALONG tuwa at pangamba ang naramdaman ng mga OFW sa Kuwait matapos na mapabalita ang muling pagbubukas ng pinto ng bansang Kuwait para sa mga OFW mula sa buwan ng Hulyo ngayong taon.
Maraming mga konektado sa recruitment industry ang tila nagpiyesta sa kaligayahan dahil nga naman sa matagal na pagkawala ng malaking sektor na kanilang pinagkakakitaan. Bagaman marami sa kanila ay hindi naman nahinto sa negosyo dahil kumuha sila ng kapalit na mga aplikante mula sa Nepal, India at Africa, pero ayon na rin sa kanila ay mas malaki ang demand para sa mga Pinay na household service worker (HSW).
Sa hanay naman ng volunteer advocates at mga lider ng iba’t ibang samahan sa Kuwait na aking nakausap ay nangangamba sila na mangyari muli ang mga dating nababalitang mga Pinay na namamaltrato at napapatay sa bansang Kuwait.
Sa aking pananaw, ay tila may malaki rin namang natutunan ang mga Kuwaiti employer sa pagkawala ng maraming OFW sa kanilang bansa at naniniwala ang AKO OFW na magiging maingat na sila sa pagtatrato sa mga kasambahay lalo pa kabilang sa napagkasunduan ay dapat na regular na magpupulong ang bawat representante ng Kuwait at Pilipinas upang pag-usapan ang mga kapakanan at karapatan ng mga OFW. Kabilang din sa kasunduan na ang dati nang mga nagtatrabaho sa ibang bansa katulad ng Middle East, ang maaari lamang i-recruit para ipadala sa bansang Kuwait.
Mananatiling nakamatyag ang ating AKO OFW sa mga OFW sa Kuwait upang masiguro natin na ang karapatan at kapakanan ng OFWs ay hindi mayuyurakan.
SAMANTALA, bibigyan daan natin ang sumbong at kahilingan ni OFW Babylyn Santiago mula sa Montalban ,Rizal na kasalukuyang naninilbihan bilang kasambahay sa Jizan, Saudi Arabia. Ayon kay OFW Santiago, ang Excell Green Kard International ang tumulong sa kanya na makapag-abroad noong Mayo 2023.
Ang sumbong ni OFW Santiago ay ang hindi pagpapagamot sa kanya sa kanyang karamdaman nang dahil sa sobrang pagtatrabaho. Isinusumbong din niya ang pamamaga ng kanyang mga kamay dahil sa matapang na kemikal ng sabon na kanyang ginagamit sa paglalaba na kahit kanyang ipinaaalam sa kanyang employer ay tila bingi ito at binabalewala ang kanyang kalagayan.
Nakikiusap si OFW Santiago na matulungan siya na makauwi agad sa Pilipinas kung kaya atin itong idinulog kay Department of Migrant Worker Secretary Hans Leo Cacdac para sa kanyang mabilis na pag-aksyon.
***
Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nangangailangan ng agarang aksyon, iparating lamang sa ating AKO OFW sa Saksi Ngayon sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gmail.com
