NAKATAKDA ang regular na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Board of Trustees meeting bukas na pamumunuan ni Labor Secretary Silvestre Bello III at OWWA Administartor Hans Cacdac.
Pero nuong lunes pa lang ay nagsagawa na kami ng pre-board meeting upang busisiin at plantsahin na ang mga bagay na dapat talakayin at para mapaghandaan ang posibleng mahabang talakayan.
Kasama sa napag-pulungan ang proposed budget ng OWWA para sa taong 2021. Natuwa ako sa presentasyon ni Director Hermie Mendoza, OWWA Financial Management Services. Una ay dahil sa ipinakita na muling pag-angat ng pondo ng OWWA dahil kahit pa nakakaranas ng krisis ang ating bansa dulot ng pandemya, ay patuloy naman ang pagtaas ng kita nito dahil sa interest na nagmumula sa investment ng OWWA sa Landbank at sa Development Bank of the Philippines.
Bahagyang tumaas din ang bilang ng mga OFW na nagbayad ng kanilang membership na nakadagdag din sa pagtaas ng pondo nito.
Kung kaya, tila ibinuhos naman ang pondo para sa pagbibigay ng suporta para sa edukasyon ng mga anak ng OFW. Umabot sa 42 porsiyento ang itinaas ng pondo para sa scholarship ng baccalaureate and degree courses.
Kung sa kasalu kuyang taon ay naglaan ang OWWA ng halos 155 milyon piso sa Education for Development Scholarship Program o EDSP, itinaas na ito para sa taon 2021 na umaabot sa halagang 217 milyon piso o halos 40 porsiyentong pagtaas.
Samantala ang OFW Dependents Scholarship Program (ODSP) na may pondong higit sa 141 milyon piso sa taong 2020, ay dinagdagan ng 40 porsiyento o katumbas ng higit sa 198 milyon piso.
Malaking bahagi rin ang idinagdag para sa Educational Support for Children of Deceased OFWs Education Component na umabot sa 53 porsiyento o katumbas ng higit sa 85 milyon piso.
Ang tiyak na ikatutuwa ng mga aktibong miyembro ng OWWA ay ang mas pinalawig na Reintegration Services. Umabot kasi sa halos 61 porsiyento ang idadagdag sa pondo para sa reintegration program para sa taong 2021.
Ang malimit na inaabangan ng mga distressed OFW na Balik- Pinas, Balik-Hanap-Buhay ay pinaglaanan ng mahigit 596 milyon piso o dagdag na 61 porsiyento. Nangangahulugan ito ng mas marami ng distressed OFW ang makikinabang at makakapagsimula ng hanap-buhay sa susunod na taon.
Gayunpaman, ay tinangalan ng pondo ang mga special events para sa taong 2021 katulad ng taunang pagdiriwang at pagbibigay ng award na Model OFW Family of the Year Awards, at iba pang pagdiriwang na katulad nito dahil sa inaasahang epekto pa rin ng COVID-19.
Samantala, matapos na maraming buwan ginugol para sa konsultasyon sa pagpapatupad ng Tulong Puso Program, ay maipapalabas na ang Implementing guidelines nito sa susunod na buwan.
Aabot sa 250,000 hanggang 1 milyong piso ang maaring matanggap na “grant” ng grupo ng mga OFW na makapaghahanda ng maganda at tamang negosyo na kanilang pasisimulan.
Ang Tulong Puso Program ay bukas para sa grupo ng OFW, retiradong OFW at maging ang mga undocumented na OFW. Ang kinakailangan lamang ay magbuo ito ng grupo at irehistro alinman sa Department of Labor and Employment (DOLE), Securities and Exchange Commission (SEC) o sa Department of Trade and Indutry (DTI).
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864
159
