AFP UMALMA SA ‘CORNED BEEF’

UMALMA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paggamit ng terminong “corned beef” para ilarawan ang mga NPA na nasawi sa engkuwentro sa Toboso, Negros Occidental, at tinawag itong “disrespectful” at “dehumanizing.”

Sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, inihayag ni AFP spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, kailanman ay hindi kinukunsinti ng militar ang anomang pananalitang nakabababa sa dignidad ng sinoman, anoman ang kanilang kinabibilangan.

“The AFP does not condone disrespectful and dehumanizing language towards any individual, regardless of affiliation. We remind the public that every loss of life is a serious matter, and the discussion surrounding armed conflict should remain respectful, responsible, and grounded on facts,” pahayag ni Col. Padilla.

“Sa dulo po nito, sa huli, ang paraan po ng ating pananalita ay sumasalamin sa uri ng lipunan na nais nating itaguyod,” sabi pa ng tagapagsalita.

Ang pahayag ay kasunod ng mga post sa social media na tumutukoy sa mga nasawi bilang “corned beef,” na muling lumutang matapos ilabas ang paunang findings ni forensic pathologist, Dr. Raquel Fortun hinggil sa pagkamatay ng 19 na indibidwal na tinawag ngayong “Toboso 19.”

Nauna nang kinuwestyon ni Fortun ang paghawak sa mga labi, kabilang ang posibleng mishandling at ilang sugat ng tama ng bala gaya ng pagbaril umano mula sa likuran at pagkamatay dahil sa bleeding.

Giit ni Padilla, preliminary pa lamang ang forensic findings na inilabas kaugnay sa unang limang bangkay na sinuri ng forensic expert.

“At this stage, preliminary pa lang po ‘yun. So, meaning, wala pa tayong final na findings,” aniya, at nagbabala laban sa maagang konklusyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Ito rin ang naunang ginawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na humihiling na itrato nang may paggalang ang ginagawang pagsusuri at maging ang ilalabas na resulta nito.

Pahayag pa ng militar, ang pinangyarihan ng insidente ay aktibong encounter site at hindi ordinaryong crime scene, ngunit pinayagan ang third-party investigators sa lugar.

“We remain committed to transparency, accountability, and adherence to international humanitarian law,” dagdag niya.

Ayon naman kay Philippine Army spokesperson, Col. Louie Dema-ala, itinanggi niya ang alegasyon ng mishandling sa mga labi, at sinabi na ang Philippine National Police Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang humawak sa proseso.

Giit niya, lehitimo ang operasyon batay sa pahayag ng mga lokal na opisyal at residente ng Toboso na sangkot umano ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.

Tiniyak din ng AFP ang pakikipagtulungan nito sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights.

(JESSE RUIZ)

150

Related posts

Leave a Comment