NANAWAGAN sina OFW JUAN Executive Director Vince Manalac at AKOOFW Inc. Chairman Dr Chie Umandap sa Department of Migrant Workers (DMW) na magsagawa ng agarang repatriation o pagpapauwi sa mga Pilipinong manggagawa sa Israel. Hiniling nila na isaalang-alang ng pamahalaan ang paggamit ng mga rutang panlupa patungong kalapit na bansa gaya ng Egypt, katulad ng ginagawang hakbang ng China para sa kanilang mamamayan.
“Nanawagan kami sa DMW, DFA, at iba pang kaukulang ahensya na bigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Sa harap ng lumalalang panganib, mahalagang magkaroon ng mabilis at konkretong plano para sa kanilang ligtas na paglikas.
Patuloy naming hinihimok ang mga OFW at kanilang pamilya na maging maingat, makinig lamang sa mga opisyal na anunsyo, at makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Israel para sa mga kinakailangang impormasyon at tulong,” bahagi ng pahayag ng dalawang grupo.
Sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, agad na umaksyon si Pangulong Donald Trump sa pamamagitan ng pag-utos sa National Security Council (NSC) na magtungo at maging nakaantabay sa White House Situation Room. Ayon sa ulat ng Fox News, ang kautusan ay bunga ng mga ulat na naghahanda ang bansang Iran ng isang malakihan at walang kapantay na pag-atake laban sa Israel — isang posibleng hakbang na maaaring magdulot ng mas malawak na kaguluhan sa rehiyon.
Kasabay nito, naglabas ng pahayag ang U.S. Central Command (CENTCOM) na kumpirmado ang paghahanda ng Iran para sa nasabing pag-atake. Ang babalang ito ay nagdulot ng agarang mga hakbang mula sa ilang bansa upang maprotektahan ang kanilang mamamayan.
Ang Embahada ng China sa Israel ay nanawagan sa lahat ng Chinese nationals na lumikas agad at gumamit ng mga land border crossings patungong kalapit na mga bansa bilang alternatibong ruta ng paglikas.
Tinugunan Ng DMW
Samantala, personal na tumugon si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac sa panawagan ng OFW advocacy groups na OFW JUAN at AKO OFW Inc. hinggil sa pansamantalang deployment suspension at travel ban sa mga bansang apektado o karatig ng Israel at Iran.
Sa isang komento sa Facebook post ni Dr. Chie Umandap, founder ng AKO OFW Inc., sinabi ni Sec. Cacdac:
“Done na yung panawagan ninyo Doc. Sila po yung mga bumiyahe ng araw mismo ng atake sa Iran, kaya’t wala pong may kasalanan na nakabiyahe sila.”
Ipinahihiwatig nito na agad na tinugunan ng DMW ang nasabing panawagan at inaksyunan ang mga kaso ng mga OFW na nakabiyahe bago pa man naipatupad ang kaukulang restriksyon.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang OFW JUAN at AKO OFW Inc. sa mga Pilipinong nagpaplanong magtrabaho sa Middle East na magsagawa muna ng masusing pagsusuri sa seguridad sa mga bansang kanilang pupuntahan. Ayon sa grupo, mahalagang paghandaan ang posibilidad ng mass repatriation kung lalong lumala ang tensyon o sumiklab ang mas malawak na digmaan sa rehiyon.
