KINUMPIRMA ng Commission on Elections (Comelec) ang kanselasyon sa registration ng Duterte Youth Party-list.
Sa isinagawang deliberasyon ng Comelec Second Division, 2-1 ang resulta para sa kanselasyon.
Gayunman, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, may remedyo pa at hindi pa ito pinal dahil maaari pa silang maghain ng motion for reconsideration (MR) para maresolba ng en banc.
May limang araw naman ang Duterte Youth Party-list para maghain ng apela sa Comelec en banc.
Wala pang epekto ang kanselasyon ng rehistrasyon ng Duterte Youth sa kanilang pagkapanalo na nakakuha ng tatlong pwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa katatapos lamang na 2025 national and local elections noong Mayo 12, 2025.
Makabayan Nagbunyi
Ipinagbunyi naman ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkansela ng Comelec sa registration ng Duterte Youth party-list na kanilang mortal na kaaway.
“We welcome this long-overdue decision by the Comelec Second Division,” ani Rep. France Castro kung saan sinabi nito na itinatag ang Duterte Youth hindi para pagsilbihan ang mga kabataan kundi para gamitin ito para ired-tag ang mga kritiko ng dating administrasyon.
Unang tumakbo ang Duterte Youth noong 2019 election kung saan nakakuha ang mga ito ng isang upuan subalit sinampahan ang mga ito ng disqualification case na hindi inaksyunan ng Comelec.
Tumakbo rin ito noong 2022 election at muling nakakuha ng isang upuan sa Kamara at sa katatapos na midterm election, pumangalawa ito sa pinakamalaking botong nakuha na umaabot sa mahigit 2.3 million kaya may nakalaang tatlong upuan sa mga ito sa 20th Congress.
Pinamumunuan ito ni dating National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema.
“Ang Duterte Youth ay hindi tunay na kinatawan ng kabataan. Ginawa lamang ito upang palakasin ang pampulitikang makinarya ng pamilyang Duterte at gawing sandata laban sa mga progresibong organisasyon ng kabataan,” ayon pa kay Castro.
3 Party-list Makikinabang
Sakaling tuluyang pagtibayin ang diskwalipikasyon ng Duterte Youth, tatlong party-list group ang makikinabang na kinabibilangan ng Gabriela, Abono at Ang Probinsyano.
Maliban sa Duterte Youth, iprinoklama ng Comelec ang 54 party-list organization na nakakuha ng sapat na boto noong nakaraang eleksyon at dahil 3 upuan ang mababakante ay aangat ang Gabriela, Abono at Ang Probinsya na ika-55, 56 at 57 puwesto, ayon sa pagkakasunod.
(JOCELYN DOMENDEN/BERNARD TAGUINOD)
