OPERASYON NG LRT-MRT POSIBLENG PAHABAIN

IKINATUWA sa Mababang Kapulungan NG ang pag-asang mapahaba ang oras ng operasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) na matagal nang nila-lobby sa Department of Transportation (DoTr).

Unang hiniling ng mga mambabatas, tulad ni Akbayan party-list representative Percival ‘Perci’ Cendaña sa dating pamunuan ng DoTr, na palawigin o pahabain ang operasyon ng LRT at MRT upang hindi mahirapan ang mga commuter sa panahon ng rush hour. Dangan nga lang ay dinedma ito ng ahensya.

Gayun pa man, bukas umano sa nasabing ideya ang bagong kalihim ng DoTr na si Vivencio ‘Vince’ Dizon kaya pupulungin umano nito ang mga operator ng mga nabanggit na mass transport system upang talakayin ang panukala sa lalong madaling panahon.

“Natutuwa kami sa pinapakitang kabukasan ni Sec. Dizon sa ating panawagan na iextend na itong operating hours ng MRT at LRT para makinabang ang mga commuters, especially mga (nagtatrabaho sa) BPO (business process outsourcing) and night shift workers,” ani Cendaña.

Umaasa ang mambabatas na maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon dahil sa ngayon ay nahihirapan ang mga commuter na panggabi ang trabaho sa pagpasok dahil hanggang alas-9:00 o alas-10:00 ng gabi lang ang operasyon ng LRT at MRT.

Nais ng mambabatas na hanggang alas-dose ng hatinggabi ang operasyon ng LRT at MRT subalit kinokonsidera umano ni Dizon na palawigin ito hanggang alas-dos ng madaling araw.

Tuwing holiday season ay hanggang hating gabi ang operasyon ng LRT at MRT kaya walang dahilan para hindi ito gawing regular.

“Hindi na puwede ang ‘puwede na’ para sa ating mga mananakay. Ayusin na sana natin ang ating transport sector para hindi pahirapan ang pag-commute,” punto ni Cendaña. (PRIMITIVO MAKILING)

41

Related posts

Leave a Comment