UMABOT na sa higit kalahating milyon ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa kabila ng pagsusumikap ng pamahalaan na maging agresibo sa laban sa pandemyang ito, umaabot pa rin sa higit sa isang libo ang nadadagdag sa bilang na ito kada araw.
Masyado nang mahaba ang ating pakikipaglaban sa COVID-19 at tila ang bakuna lamang ang talagang tunay na makasusugpo rito.
Mula pa noong nagsimula ang pandemya, paulit-ulit na binabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging bakuna lamang ang paraan upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang pandemyang ito.
Ngayon, ilang linggo na lamang ang ating kailangang hintayin bago mag-umpisang pumasok ang bakuna sa bansa. Abot-kamay na ang susi sa katapusan ng COVID-19.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr, ang iba’t ibang kasunduan patungkol sa paghahatid ng bakuna sa bansa ay nakatakdang pirmahan sa katapusan ng Pebrero. Habang hinihintay ang nasabing pirmahan ay patuloy pa rin ang mga lokal na pamahalaan sa paghahanda para sa pamamahagi nito.
Ang unang 117,000 doses ng bakuna mula sa Pfizer at BioNTech ay nakatakdang dumating sa bansa sa kalagitnaan ng Pebrero sa pamamagitan ng pasilidad ng COVAX na pinangangasiwaan ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Galvez, ang mga COVID-19 referral hospital sa Metro Manila ang prayoridad na mabigyan ng unang batch ng doses na ito. Kabilang dito ang Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines, East Avenue Medical Center, at Dr. Jose N Rodriguez Memorial Hospital.
Ang parating naman na doses mula sa AstraZeneca, na ayon sa kasunduan ay hindi bababa sa 5 milyong dosis, ay prayoridad na maipa mahagi sa mga frontline health worker na nakadestino sa mga lugar kung saan mataas ang naitalang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19.
Ang ganap na pagpapatupad ng kabuuang plano patungkol sa sistema ng pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19 ay inaasahang magaganap sa ikatlong yugto ng taon.
Sa bahaging ito ng taon kasi inaasahang magdadatingan sa bansa ang mga doses mula sa iba’t ibang parmasyutikal na kompanya. Inaasahang 30 hanggang 50 milyong bakuna na ang nasa bansa sa panahong ito.
Kabilang din sa inaasahang papasok sa bansa ay ang unang batch ng Sinovac na mula sa China. Ang bilang ng darating ay hindi bababa sa bilang na 50,000 ngayong buwan. 950,000 naman ang nakatakdang dumating sa susunod na buwan.
Sa mga bakunang papasok sa bansa, tanging Sinovac lamang ang tila nakatanggap ng kritisismo. Sa paliwanag ni Pangulong Duterte, nilinaw nito na ang Sinovac ay maaasahan din gaya ng mga bakunang mula sa US at sa UK.
Aniya pare-pareho lamang ang pinag-aralan ng mga siyentista ng China at ng mga siyentista na mula sa US at UK. Sa kasalukuyan, ang Sinovac ay ipinapamahagi na sa Brazil, Turkey, Indonesia, at Argentina.
Sa aking personal na pananaw, hindi natin dapat husgahan ang mga produktong bakuna na ginagawa ng anumang bansa. Tayo ay magtiwala sa prosesong pinagdaanan nito bago makakuha ng pag-apruba mula sa Food and Drug Administration (FDA), at iba pang otorisadong magdesisyon ukol sa usaping ito.
Magpasalamat na lamang tayo na hindi magtatagal ay matatapos na ang pandemyang ito. Magpasalamat tayo sa mga siyentistang nagsumikap at patuloy na nagsusumikap upang mabigyan tayo ng proteksyon laban sa COVID-19.
Dahil sa kanilang pagsusumikap ay malapit na nating masugpo ang COVID-19. Ang mga siyentistang ito, saang bansa man sila nagmula, ay karapat-dapat na kilalanin bilang mga bayani ng buong mundo.
91