BALIKBAYAN BOXES NAWALA NA, PINABABAYARAN PA!

RAPIDO NI TULFO 

DAGSA na naman ang reklamong natanggap ng Rapido sa nawawalang balikbayan boxes.

Noong nakaraang taon nang maipalabas at ma-deliver ang mga bagaheng halos dalawang taon nang natengga sa Bureau of Customs.

Sa tulong ni BOC North Harbor collector Romeo Rosales, pinakiusapan nito ang Door-to-Door Consolidators Association of the Phils. (DDCAP) na i-deliver nang libre ang mga bagahe sa buong bansa.

Sa pangalawang bugso ng pagbubukas ng container sa BOC, noong hawak na ni Dir. Michael Fermin ng BOC, nagulat kami nang malamang pina-bid pa ang inilabas na mga bagahe.

Matapos ang “bidding”, na-award ang nasa 16 containers ng Allwin Cargo LLC na naglalaman ng 4,625 balikbayan boxes sa ABBC (Association of Bidders at the Bureau of Customs).

Dito na nagsimula ang kalbaryo nang i-report sa amin ng mga OFW na ang kanilang mga bagahe ay nawawala, kung ‘di man ay pinababayaran umano sa kanila ng ABBC ang delivery charge.

Isa sa mga nagreklamo ay nawala raw ang lamang 65″ na TV sa kanyang bagahe, at sinabi umano ng tauhan ng ABBC na papalitan na lang ito ng mas maliit na TV. Habang ang isa naman ay nagreklamo dahil ang parisukat n’yang kahon ay naging bilog na, nakapanlulumong kwento ng ating kababayan.

Nakapagtataka kasi pwede namang i-deliver nang libre ang mga bagahe katulad ng ginawa ng DDCAP, dahil ‘yun naman talaga ang trabaho ng DDCAP. Bakit ibinigay sa ABBC na naniningil ng delivery charge, kung pwede namang libre? Siguradong may kumita sa nangyaring pag-award sa ABBC ng balikbayan boxes.

Kawawa lang ang mga OFW natin na nagpakahirap na mag-ipon para may maipadala sa Pilipinas pero hindi naman nakararating sa kanilang mga mahal sa buhay.

119

Related posts

Leave a Comment