BARAKONG BARAKO!

SA kabila ng inihaing diplomatic protest ng nakalipas na liderato ng Department of Foreign Affairs (DFA), tila walang pakialam ang bansang Tsina sa pananatili sa ating teritoryo.

Mistulang balewala rin sa mga Tsino ang posisyon ng bagong pangulo na minsan nang nagpahiwatig ng disgusto sa literal na pananakop ng mga Tsino.

Ani Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bagamat hangad niyang maging kaibigan ang lahat ng estado sa buong mundo, hindi niya papayagan kahit na sino na
bumawas maski isang metro kwadrado sa teritoryong laan lamang para sa mga Pilipino.

Naghahamon ba ang Tsina? Ang totoo, walang ­panama ang Pilipinas kung giyera ang pag-uusapan. Pero sa mga kasunduang nilagdaan ng ating pamahalaan, siguradong sila’y may kalalagyan. Batay sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa Estados Unidos, ano mang pambabarakong ipakita ng mga Tsino sa mga Pilipino kaugnay ng napagpasyahang teritoryo ng

pandaigdigang husgado, ay magsisilbing hudyat para sila ay sumaklolo.

Sa datos ng Philippine Coast Guard, buwanan ang ginagawang pambabarako ng Chinese Coast Guard sa mga manlalayag na Pilipino sa West Philippine Sea na pasok sa itinakdang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod na rin sa panuntunang pinagtibay ng United Nations.

Malinaw na walang kinikilala ang mga Tsino – husgado, kaibigang estado at maging ang UN na binubuo ng mahabang talaan ng mga bansang pwede kumilos nang sabayan laban sa mga nagsisiga-sigaang bansa tulad ng Tsina.

Higit pa sa pananatili ng kanilang barko ang kanilang ipinamalas na angas sa karagatang inaangkin nang buo. Kamakailan lang, maging ang pagbibiyahe ng materyales sa Ayungin Shoal para kumpunihin ang paog-paog na BRP Sierra Madre na nagsisilbing himpilan ng PCG, itinaboy ng Chinese Coast Guard.

Pati ang BRP Sierra Madre, pinapalayas na rin nila.

Pero teka, nasaan ba ang Ayungin Shoal. Sa mga datos na kalakip ng mapa, pasok naman sa EEZ ang naturang bahura. Pero giit ng Tsina, ang buong South China Sea ay kanila.

‘Di na halos mabilang ang inihaing diplomatic protests ng Pilipinas kontra Tsina. Pero ilan sa mga insidente ng pambabarako, sobra na. Tulad na lang ng pambobomba gamit ang water cannon, sa mga sasak­yang dagat ng Pilipinas na patungo sana sa Ayungin Shoal para maghatid ng pagkain at gamot sa mga sundalong nakahimpil sa nakasadsad na barko noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Nito lamang Enero, walang atubiling pinasok ng Tsina ang Sulu Sea kung saan sila tumambay ng tatlong araw. Hindi rin naman nagpabaya ang Philippine Navy. Katunayan, magalang na pinalisan ang mga Tsino – deadma nga lang!

Buwan naman ng Abril, nagpasikat ang Chinese Coast Guard sa maniobrang sukdulang salpukin ang nagpapatrolyang bantay-dagat sa Panatag Shoal – at nasundan pa ng babala. Wala raw tayong pakialam sa kanilang ginagawa sa loob ng ating teritoryo.

Tama na! Sobra na!

75

Related posts

Leave a Comment