DPA ni BERNARD TAGUINOD
HABANG ang mga Filipino ay naghihirap dahil sa pataas na pataas na presyo ng mga pagkain at serbisyo, ay may ilang mambabatas naman sa Kamara ang gustong gumastos nang gumastos nang wala sa lugar.
Tulad na lamang itong binuong Ad Hoc Committee na mag-aaral at magpaplano para sa ilipat ang Batasan Pambansa Complex sa lugar na malapit sa Senado na mayroon nang sariling gusali sa Bonifacio Global City sa Taguig at nakatakda na nilang lipatan sa 2024.
Hindi ko alam kung gusto lang talagang gumastos ang mga nagsusulong ng proyektong ito gayung malawak naman at maayos ang mga gusali sa Batasan Pambansa at panay nga ang konstruksiyong ginagawa eh.
Hindi biro ang perang gagastusin sakaling ilipat malapit sa Bagong Senado Building sa BGC, ang Batasan Pambansa dahil kung ang pagpapagawa ng gusaling magiging tirahan ng mga senador ay P8.9 billion ang halaga, gaano kalaki ang gagastusin sa bagong gusali ng mga kongresista?
Kung ang Senado na 24 lamang ang miyembro ay gumastos ng ganyang kalaking halaga, paano na lamang ang Kamara na mahigit 300 ang miyembro? Do the math! Pagsasayang lang ‘yan ng pera ng bayan.
Hindi tulad ng Senado na nangungupahan lang sa GSIS Building sa Pasay City, walang binabayarang upa ang Kamara dahil sadyang itinayo ang Batasan Pambansa Complex para maging bahay ng mga mambabatas.
Saka anong gagawin sa Batasan Pambansa Complex na may lawak na 17 ektarya at halos puno ng mga gusali dahil tuwing may bagong administrasyon ay may itinatayong gusali sa loob? Ibebenta?
Makasaysayan ang Batasan Pambansa Complex at dumaan na ito sa maraming pagsubok kaya hindi yata katanggap-tanggap na iwanan ito para lumipat sa mas modernong gusali na gusto nilang itayo.
‘Yung isa sa katuwiran ng mga nagsusulong para sa paglilipat ng Batasan Pambansa na sina Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Quezon Rep. David Suarez, na kailangang magkalapit ang dalawang kapulungan para sa mas mabilis na komunikasyon at koordinasyon, ay wala sa hulog.
Digital Age na tayo. Madali nang maipadadala ang official communication dahil sa internet hindi tulad noong unang panahon na kailangang bumiyahe ang opisyal ng Kapulungan para i-deliver ang mensahe sa kanilang counterpart.
Hindi mo tuloy malaman kung napapangitan ang mga congressman sa dinadaanan nilang mga kalsada papasok sa Batasan Pambansa dahil hindi matanggal-tanggal ang mga barong-barong at istraktura na masakit sa mata sa gilid ng IBP Road at Batasan Road na ginawa nang tindahan ng kung ano-ano tulad ng hardware, car at car wash.
Medyo pangit nga naman pero pwede naman silang i-relocate kung gugustuhin ng local government at kongresman na nakasasakop ng lugar. Political will lang ang kailangan at huwag isipin ang botong mawawala sa kanila.
137