CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NASA pitong bilyong piso umano ang halaga ng kanin na nasasayang kada taon dahil sa hindi maayos na pagkain ng mga Pilipino. Sa datos, dalawang kutsarita ng kanin ang nasasayang ng bawat tao kada araw. Suma total: 384,000 metriko tonelada kada taon.
Kaya isusulong ng Philippine Rice Research Institute na buhayin sa Kongreso ang panukalang nagsusulong ng half-rice sa lahat ng mga establisimyento para maiwasan ang pagsasayang sa bigas.
Hinikayat din ng PhilRice ang publiko na kumuha lamang kung ano ang kailangan.
Sinabi ni Dr. Hazel Antonio, Development Communication Head ng PhilRice na bahagi ito ng adbokasiyang hindi masayang ang bigas o kanin na kinakain ng mga tao. Kinakailangan daw ng batas para maipatupad ang naturang polisiya sa bansa.
May ilang mambabatas na ang naghain ng panukala na gawing mandatory ang half rice sa mga resto at kainan.
Teka, ang panukalang half-cup rice ay isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong senador siya.
Binuhay ang half-rice sa mga resto para kanino? Sa kapakanan ng publiko o sa interes ng ibang politiko na hindi batid ang kalagayan ng mga pobre.
Gustong magpasiklab. Nais magpasikat at sumipsip kay BBM.
Kaya akma lang ang ibinansag ng mga magsasaka na ang planong batas na kalahating-kanin ay out of touch.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa halip makatulong, hindi raw matutugunan ng planong “half rice” law ng gobyerno ang taunang pagkasayang ng nasa P7.2 bilyong halaga ng kanin.
Hindi nga naman maaatim ng mga Pinoy na sayangin ang pagkain lalo na sobrang mahal ng bigas.
Marami nga ang walang makain kaya dapat daw tingnan bakit may nasasayang.
Hindi katakawan umorder ng buong cup ng kanin. Kadalasan, hindi nadidiktahan ng utak kung madami o kaunti ang mauubos na kanin sa isang kainan.
Bakit pahihirapan pa kumain. Mantakin mong magmamadali kang kumain dahil ilang minuto lang ang break, tapos pag naubos na ang katiting na inorder ay tigil muna tsibog dahil oorder uli. Aksaya sa oras. Saka, marami nga ang naka extra rice pa. Nangangahulugan bitin ang tiyan sa isang cup ng kanin, tapos ipagdidiinan pa ang kala-kalahati.
Ay susme, panukalang galing sa hindi batid ano ang kalam ng sikmura ng ordinaryong Pinoy.
Mas mainam pa na kontrolin ang presyo ng isang tasang kanin sa mga kainan.
Mahal o kulang ang bigas, nawa’y huwag gawing solusyon ang tipirin ang pagkain ng mga Pinoy.
Pangunahing pangangailangan ang tinitipid.
Ang kakulangan at problema sa bigas ay huwag nang ipasa sa mga konsumidores.
Ang daming pwedeng tipirin at magtipid pero hindi sinisiko.
Huwag naman kasi puro upo ang ginagawa ng nasa gobyerno. Tumayo naman sila para makita at matanaw ang tunay na kalagayan ng taumbayan.
402