Isa umanong opisyales ng Department of Justice (DOJ) na kamag-anak ng isang kumakandidatong opisyales sa Albay ang gumagamit umano ng kanyang posisyon upang impluwensiyahan ang kaso ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo na ngayon ay inaakusahang utak umano sa pagkamatay ni dating AKO-BIKOL Congressman Batocabe.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa tanggapan ng DOJ, isa umanong “Usec. P” na kamag-anak umano ng tumatakbong alkalde ngayon sa Daraga ang “bumabraso” upang impluwensiyahan ang kaso.
Liban kay Rodel Batocabe, tumatakbo bilang alkalde ang isang kilala sa tawag na “VP” na kamag-anak ng nasabing Usec ng DOJ.
Bukod sa “Usec. P” na ito, nakikialam din umano ang Regional Prosecutor ng Rehiyon ng Bicol at nais ding impluwensiyahan ang resolusyon ng kaso.
Sinabi ng source na layunin umano ay maidiin sa kaso si Mayor Baldo sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensyang mag-uugnay dito sa pagpaslang kay Batocabe noong Disyembre 2018. Napatay ng hindi pa nakikilalang mga salarin si Batocabe habang pangunahing pandangal ito sa isang aktibidades sa Albay.
Balak umano ni Batocabe na tumakbong alkalde ng Daraga, sa engganyo ng kanyang mga kaibigan sa AKO-BIKOL partikular ang mangangalakal na si Sandy Co na tumatayong financier ng party-list. Malaki ang potensyal ng Daraga bilang lugar kung saan itatayo ang bagong Bicol International Airport na nagkakahalaga ng P4.8 bilyon.
Batay sa ulat, dinidiin umano si Mayor Baldo sa kaso ng pagpatay kay Batocabe upang mahirapan itong mangampanya para sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Daraga.
Sa naisagawang sarbey ng mga tumatakbong alkalde ng lungsod, nangunguna pa rin si Mayor Baldo na may 85% trust rating.
Kasabwat umano sa plano ang isang prosecutor ng Camarines Sur na siyang nagsampa ng kasong illegal possession of firearms laban kay Mayor Baldo.
Kasalukuyang nakalalaya si Mayor Baldo bunsod na rin sa order ng husgado na nagbigay ng pagkakataon sa kanya upang makapagpiyansa. Samantalang patuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Batocabe.
Nananatiling inosente si Mayor Baldo sa pagkamatay ni Batocabe habang wala pang matibay na ebidensyang nagsasangkot dito. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
203