BAWAL NA ANG MGA MANYAKIS AT BASTOS SA TRABAHO AT INTERNET

SIDEBAR

Bilang na ang araw ng mga manyakis at bastos na mga lalaki hindi lamang sa lugar ng trabaho o opisina kundi maging sa malawak na “cyberspace” kung saan nagaganap ang maraming pambabastos sa mga kababaihan.

Ito’y matapos maging ganap na batas ang Republic Act 11313 na kilala rin sa tawag na “Safe Spaces Act” na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang Abril 17 pero nitong Lunes lamang inilabas ng Malacañang.

Kilala rin ang RA 11313 bilang “Bawal Bastos” Law na nagpapataw na ng parusa sa sinumang gagawa ng “catcalling” o ang pagtawag ng mga bastos na salita sa mga kababaihan sa lahat ng “espasyo” — opisina, pampublikong lugar at sa cyberspace o Internet.

Ito ang nakasaad sa “Bawal Bastos” na batas: “It is the policy of the state to value the dignity of every human person and guarantee full respect for human rights. It is likewise the policy of the state to recognize the role of women in nation-building and ensure the fundamental equality before the law of women and men.”

Dagdag pa ng RA 11313: “The state also recognizes that both men and women must have equality, security, and safety not only in private, but also on the streets, public spaces, online, workplaces, and educational and training institutions.”

Base sa mga probisyon ng Safe Spaces Act, ang mga gawain at kilos na i­tinuturing na “gender-based street and public spaces sexual harassment” ay kinabibilangan ng mga “unwanted and uninvited sexual actions or remarks against any person, regardless of the motive.”

Ibig sabihin, hindi na puwedeng idahilan ng mga bastos at manyakis na kalalakihan na nagbibiro lamang sila o wala silang masamang intensyon dahil sinasabi ng batas na ang mga naturang aksyon at kilos ay ilegal na kahit ano pa ang motibo o dahilan.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ng bagong batas ay “catcalling, wolf-whistling, unwanted invitations, miso­gynistic, transphobic, homophobic and sexist slurs, persistent uninvited comments or gestures on a person’s appearance; relentless requests for personal details, statement of sexual comments and suggestions; public masturbation or flashing of private parts, groping, or any unwanted advances.”

Ipinagbabawal ng RA 11313 ang “gender-based online sexual harassment” partikular ang paggamit ng social media at iba pang internet platform sa pananakot sa mga biktima sa pamamagitan ng “physical, psychological, and emotional threats, unwanted sexual misogynistic, transphobic, ho­mo­phobic and sexist remarks and comments online.”

Maituturing na malaking tagumpay ito partikular sa mga kababaihan na matagal nang nakararanas ng sexual harassment sa mga lugar na pinagtatrabahuhan at pambabastos sa mga pampublikong lugar kabilang na ang mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney, bus at tren ng MRT at LRT.

Implementing Rules and Regulations (IRR) na lang ang hihintayin matapos para maipatupad na ang nasabing batas na inaasahang makababawas din ng malaki sa mga kaso ng pambabastos sa social media sa mga kilalang babaeng personalidad na madalas na pinagbabantaan ng rape at iba pang uri ng pambabastos.

Siguradong babahain agad ng reklamo ang Women’s and Children’s Desk ng mga territorial units ng Philippine National Police sa oras na maging ganap na batas na ang RA 11313 o Safe Spaces Act. Nabibilang na ang araw ng mga bastos at walang modo.  (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

938

Related posts

Leave a Comment