BOC AT DDCAP MAGKAKAPIT-BISIG PARA SA MGA OFW

RAPIDO NI TULFO

MULI na namang magsasanib-pwersa ang Bureau of Customs at Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) upang tulungan ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na biktima ng scam ng balikbayan boxes ng mga cargo company sa ibang bansa.

Ito ay dahil sa paglala ng sitwasyon ng inaabandonang mga container na ipinadadala dito sa bansa ng ating mga OFW mula sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Atty. Vincent Maronilla, ang Assistant Commissioner ng BOC, mas lumala ang kaso ng abandoned containers na nakatengga ngayon sa BOC. Ito ay matapos hindi bayaran ng mga cargo company sa ibang bansa ang kanilang deconsolidators dito sa Pilipinas o ang mga dapat na magde-deliver. Kaya ang ending, ang kawawang mga OFW ay hindi malaman kung saan na napunta ang kanilang ipinadalang mga kahon.

Sa muling pagpasok ng DDCAP, umaasa ang BOC na mapabibilis ang pagde-deliver ng inabandonang balikbayan boxes sa pamilya ng mga OFW, nang libre dahil pakiki-usapan umano ng BOC ang DDCAP na isabay ang mga balikbayan box sa kanilang mga delivery.

Sa ngayon nasa mahigit 11 containers ang nakatengga sa BOC na inabandona ng mga cargo company mula sa Kuwait at iba pang mga bansa. Ang bawat container ay naglalaman ng kulang-kulang 300 na balikbayan boxes. Kaya laking problema ito ng deconsolidators dahil hindi sila binayaran ng nagpadalang cargo companies.

Sa ngayon ay umandar na ang proseso ng paglabas ng mga container sa BOC. ‘Pag natapos na ang proseso, hahawakan na ng DDCAP ang delivery nito upang isa-isahin na madala ang mga ito sa kani-kanilang pamilya.

Isa sa pinakamalaking cargo na dumating sa BOC at inabandona ay itong ipinadala ng TAG CARGO. Kabilang sa inabandona ng Tag Cargo ay ang mga padala ng Paujin, Orca, Maharlika, Cebu Express, Cotabato Express at Luzon Cargo na pawang mga nagmula sa Kuwait. Kaya sa ngayon ay dagsa ang reklamong hawak namin laban sa cargo company na Tag Cargo.

Dapat ay umpisahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sinasabi nitong bagong patakaran sa mga cargo company na nagnanais na magpadala sa bansa.

Ayon sa DMW, kailangang magparehistro sa kanila ng anomang cargo company na gustong magpasok ng container sa bansa at kailangang magbigay ang mga ito ng cash bond nang sa ganitong paraan ay maiwasan nilang mag-abandona ng mga container at maprotektahan ang mga OFW.

Naniniwala ako na ‘pag naghigpit tayo ng sistema sa pagtanggap ng mga cargo mula sa ibang bansa ay mapoprotektahan natin hindi lang ang mga OFW kundi ang lokal na mga negosyante dito sa Pilipinas na nasa larangan din ng cargo. Ang lokal na deconsolidator natin sa bansa, na biktima rin, ang sumasalo ng mga kaso na ginawa ng mga nag-abandona ng mga container. Lugi na nga sila, nakakasuhan pa.

57

Related posts

Leave a Comment