AKO OFW ni DR. Chie League Umandap
KAMAKAILAN ay dumulog sa ating AKOOFW ang isang kabayani na nasa Qatar upang magpatulong na makauwi sa lalong madaling panahon dahil diumano ay minamaltrato siya ng kanyang employer.
Sa sumbong ni OFW Pauline Gaudin, sinabi niya na “Sinampal po ako ng amo kong babae. Nagkulong na po ako dito sa aking room, kagabi pa hindi kumakain at tubig lang po sa CR ang aking iniinom. Hindi ko na po kaya mag-work sa kanila dahil lagi silang galit at hindi daw po ako marunong magluto tapos sinaktan po nila ako, kinulong dito sa room ko at kinuha ang cp ko po.”
“Please po, kunin po ninyo ako dito, kasi gusto po nila na bayaran ko yong 7k na binayad nila sa agency, mag-work daw po ako nang ilang buwan hanggang mabayaran ko daw po, hindi po daw nila ako bibigyan ng sahod para ma-complete kong mabayaran yong 7k, kaya ginagawa ko po hindi na po ako mag-work.”
Ang sumbong na ito ni OFW Gaudin ay mabilis nating ipinarating nang direkta mismo kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na agad namang nag-utos upang masaklolohan at mapauwi si OFW Gaudin.
Matapos ng ilang linggo ay nakarating na si OFW Gaudin sa Pilipinas na agad naman nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa ating AKOOFW at sa DMW. Kalakip din ng kanyang liham pasasalamat ang kanyang larawan na hawak ang kanyang pasaporte at katabi ng kanyang mga bagahe.
Samantala, atin namang bibigyan daan ang paghingi ng tulong ni OFW Melanie Escota na kasalukuyang nasa Jeddah, Saudi Arabia.
Ayon kay OFW Escota, nakarating siya sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Fil HR Manpower Development Agency Service Specialist. Iniinda ni Escota ang pananakit ng kanyang kaliwang bahagi ng braso na umaabot hanggang sa bahagi ng kanyang likuran.
Nakikiusap siya sa AKOOFW na maiparating sa kanyang ahensya ang kanyang kasalukuyang kondisyon at matulungan siyang makauwi sa Pilipinas.
Sa abot ng ating makakaya, ang AKOOFW ay mananatiling tulay ng bawat OFW at pamilyang OFW upang maiparating ang kanilang mga sumbong upang masiguro na ating mapoproteksyunan ang kanilang karapatan na masigurong maayos ang kanilang kapakanan.
***
Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nangangailangan ng tulong, huwag mag-atubili na dumulog sa ating AKOOFW. Ipadala lamang kumpletong detalye ng inyong sumbong o reklamo sa akoofwpartylist@yahoo.com o saksi.ngayon@gmail.com.
