BRIGADA AYUDA NG MGA MAAGANG UMEEPAL

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

UMALINGAWNGAW at naging usap-usapan sa social media ang larawang nagpakita ng pamamahagi ng bigas na may tatak na “Romualdez Rice” ng ilang mambabatas sa Tagum City, Davao del Norte.

Inulan ito ng batikos – may maanghang na patutsada, merong pang-aasar at pagkainis. Sabagay, may happy naman at pabor, pero ilang butil lang sila kumpara sa kilo-kilong asar.

Mabango sa iba ang Romualdez Rice, pero masarap ba ang lasa?

Baka ibang klase ‘yun ng bigas o malamang na bagong uri ng pang-eengganyo o diretsahang propagandang pulitikal.

May paliwanag si Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Maliwanag na paliwanag ah. Hindi palusot.

Ayon kay Romualdez, ang bags ng isang kilong bigas na may tatak ng apelyido niya ay walang pahintulot ng kanyang opisina. Gawa-gawa lang daw ng mga galit sa kanya.

Tinukuran naman siya ng kanyang mga supporter na iginiit na limang kilo hanggang 25 kilo ng bigas ang ipinamigay sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) aid distribution.

Eto na: initsapuwera na ang tatak ng kanyang apelyido at kumambyo sa inaasahang pagbaba sa P45 ng presyo ng bigas kada kilo sa Hulyo kapag naipatupad na ang EO 62 na magpapababa ng taripa ng imported rice.

Nangako pala ang mga trader na ipararamdam sa konsyumer ang bawas-taripa sa inangkat na bigas. Diyan sumulpot ang nakikitang pagbaba ng isang kilong bigas sa P45.

Ipinagdidiinan talaga ng pamahalaan na pagtapyas ng taripa sa importasyon, ang hahatak pababa sa presyo ng bigas.

Para bang walang ibang mahagilap na remedyo na pangmatagalan ang bisa.

Aba, meron naman daw ibang mga programa ang pamahalaan upang mapababa ang presyo ng bigas sa P29 kada kilo sa Agosto.

Ay naku, hindi pa nga nakikita ang karatulang P45/kilo ay iniisip na ang mas mababa pang presyo.

Baka, matulad lang ‘yan sa P20 na naglaho na.

Nanganganak kasi ang pangako kahit hindi tinutupad.

Kaya habang wala pang linaw ang nakikitang pagbaba ng presyong abot kaya ay magpakasawa muna ang iba sa ayudang iniitsa ng mga nasa puwesto.

Kawanggawa kasi ang mabisang panakip sa maling ginagawa.

Sa pagkakawanggawa, pansin n’yo na sama-sama ang mga kongresista at iba pang opisyal sa distribusyon ng ayuda. Para matandaan at higit na makilala?

Mahalaga kasi ang presensiya. Kaso kahit sabihin pang nangangasiwa lang sila sa pamamahagi ng ayuda ay lilikot talaga utak ng mga kilatisero na ang mga solon ay nangangampanya.

Uso na rin sa mga politiko ang BRIGADA AYUDA!

30

Related posts

Leave a Comment