DAPAT LANG

DAPAT lang ang isinampang kaso ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tinaguriang “Poblacion Girl” at “Quarantine jumper” para magsilbing aral sa ibang naka-quarantine na may planong gayahin ang ginawa niya.

Kailangang masampolan siya at mga kasabwat niya sa ­hindi pagsunod sa quarantine protocols dahil inilagay nila sa panganib ang buhay ng ­maraming tao na nagpositibo sa COVID-19.

Kahit anong gawin ng ­gobyerno para makontrol ang paglaganap ng pandemya ay walang mangyayari kung ­merong mga ganitong klase ng tao na sarili lang ang iniisip kaya napapamahak ang marami.

Lahat ng uri ng pag-iingat ay ginagawa na ng mga tao para hindi tamaan ng COVID-19 at gumagastos na sila nang husto para sa kalusugan nila at ng kanilang pamilya pero dahil may mga pasaway na gumagamit ng impluwensya para makaiwas sa quarantine, mababalewala ang lahat ng sakripisyo ng mamamayan.

Susubaybayan ng mga tao ang kasong ito kaya kailangang tiyakin ng gobyerno na may ­mapaparusahan dahil kung hindi ay mababalewala ang lahat ng sakripisyo ng mamamayan.

***

Isa pa sa dapat sampolan talaga ng gobyerno lalo na ang Department of Trade and ­Industry (DTI) ay ang mga tiwaling ­negosyante na nagsasamantala kapag panahon ng kalamidad.
Ang pangunahing reklamo ng mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao ay ang biglang pagtaas ng ­presyo ng construction materials sa kanilang lugar.

Hindi lang ang mga biktima ng bagyong Odette ang nakaranas ng ganito kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa na nasalanta ng kalamidad pero wala tayong nababalitaan na may naparusahan.

May nahuhuli na ilegal na nagtataas ng presyo ng construction materials pero hanggang doon lang at walang impormasyon kung sila ba ay pinagmulta, magkano ang multa at bakit tuloy pa rin sa ­

pagnenegosyo ang mga ­tiwaling ito?

Iniisip tuloy ng mga tao na may mga hokus-pokus na nangyayari kaya tuwing may kalamidad, nangyayari at nangyayari ang pagsasamantala ng mga tiwaling negosyante.
Nakahuli raw ang DTI ng mga negosyante sa Bohol na hindi sumunod sa price freeze kaya dapat lang din na sampolan ang mga ito dahil hindi makatarungan na pagsamantalahan ang mga taong naghihirap.

160

Related posts

Leave a Comment