DSWD GAMIT NA GAMIT NG MAGPINSANG MARCOS, ROMUALDEZ

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PANSIN n’yo rin ba dumadalas ang pamamahagi ng ayuda ng administrasyon?

Panay-panay ang bigay nila ng mga bigas na ang sabi sinamsam mula sa mga warehouse ng mga ‘smuggler’.

Ang nakapagtataka, alam nila kung saan ang warehouse pero hindi nila kilala ang mga smuggler? Pinagdadabugan na nga ‘yan ng mga netizen dahil nakailang bilang na sila sa araw ng mga smuggler pero hanggang ngayon, nagbibilang pa rin.

Maging ang pinsan ni Pangulong Bongbong Marcos na si House Speaker Martin Romualdez na tinatagurian ngayong ‘bawang’ dahil nakasawsaw sa lahat ng isyu, ay nakibilang na rin.

Binantaan din niya ang mga smuggler pero ‘yun na nga mukhang hanggang banta lang din dahil matapos ang photo ops niya sa mga sinalakay na warehouse ay wala naman siyang pinangalanan sa sinasabing mga smuggler.

Sino-sino na ba ang mga hinuli at kinasuhan?

Eto na nga, sa dami ng mga sinamsam nilang bigas ay panay ang pamigay nila ngayon para siguro mapagtakpan ang katotohanang wala namang seryosong programa para tapusin ang mga smuggler.

Hindi lang si Marcos ang namamahagi ng ayuda kundi maging si Romualdez.

At sa tuwing mamamahagi sila ay nariyan ang tanggapan ni Secretary Rex Gatchalian.

Hindi naman dahil sipsip lang itong si Gatchalian kundi dahil mandato ng kanyang tanggapan – ang DSWD, na magpatupad at makipag-coordinate para maibsan ang kahirapan ng mga bulnerableng sektor ng lipunan.

UTANG NA NAMAN!

Ibang isyu naman tayo.

Halos kalahati ng P5.768 trilyon 2024 budget ang uutangin dahil hindi kayang pondohan ng gobyerno. Nasa P2.46 trillion ito.

Nakalulula ang halagang iaasa sa utang, kasinlula ng mga nangyayaring rigodon ng politiko at mga opisyal ng pamahalaan na naglalaway sa sikretong confidential fund na aabot sa mahigit P10 bilyon.

Uutangin ang halos kalahati ng pondo dahil hindi kayang pondohan ng gobyerno ang budget pero itong mga ahensya na parang putakti na dumarami para simsimin ang katas ng confidential fund, ay walang paki kung magkabaon-baon man sa utang ang bansa at ang papasan ay taumbayan.

Hindi alintana ng mga dayukdok sa pera ang hirap ng mga Pilipino basta maihirit lang ang pondo na hindi alam kung saan at paano gagastusin.

Wagas kung gumastos ang mga nasa kampanteng puwesto. Ang isa ay biyahe nang biyahe. Ika nga, travel revenge. Bumabawi. Pinupunuan ang panahong hindi masilip ang ibang lupain. Pero sobra na ata sa bawi, tapos wala namang magandang resultang bitbit pag-uwi.

Ang iba, maluho at masiba. Kayang lunukin ang ilang milyong datung pero hindi maipaliwanag paano iluwa.

Sakripisyo sa mamamayan. Pagtitipid sa taumbayan pero lustay ang alam na laro ng mga lider na hindi serbisyo sa nasasakupan ang gusto kundi magtampisaw sa luho.

Teka, nakalilito kung ano ang punto o tunay na kahulugan na CUT ang CIF ng OVP at DepEd.

Tuluyan na bang binura ito ng Mababang Kapulungan o tinapyasan lang?

Baka patikim lang ito, pero iba ang nakalatag kapag aktuwal na ang kainan sa hapag. Kaya huwag munang magdiwang.

Nakababahala pa rin dahil may bersyon pa rito ang Senado.

Ito ang delikadong lugar dahil… alam nyo naman, ano hitsura ngayon ng Senado. Baka may hokus-pokus pa ‘yan.
‘Di ba nangyari na noong isang taon na ang tinapyas ay binalik din?

Maraming nangyayari sa deliberasyon ng bicameral.

Antayin natin ang pagpirma ni Marcos Jr. sa budget.

Tingnan natin kung burado nga ang CIF ng isang pinagpapala raw.

Hindi dapat kumurap ang sambayanan sa pagmatyag at baka makalusot ang para sa mga korap.

244

Related posts

Leave a Comment