E-BIKE DRIVERS, KAILANGAN LISENSYADO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SA harap ng lumalalang problema sa polusyon sa buong mundo, ang paggamit ng electronic vehicle ang nakikitang solusyon.

Kanya-kanyang labas ng hybrid electric motor vehicle (mga sasakyang gumagamit ng kuryente o rechargeable battery o ‘di naman kaya’y minimal lang ang ginagamit na gasolina) ang mga manufacturer ng mga sasakyan sa buong mundo.

Ito ngayon ang isa sa pinakamabentang sasakyan dahil bukod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, exempted ang mga ito sa color coding (sa ngayon).

Pero kasabay ng paglabas ng mga hybrid na sasakyan ay nag-usbungan na rin na parang mga kabute ang mga electric bike o e-bike.

Hindi sa hindi tayo pabor sa pagkakaroon ng e-bike, dahil nakatutulong ito sa transportasyon ng masang Pilipino. Ang problema rito ay gumagamit na sila ng main road o pangunahing kalsada na nakalaan sa malalaking sasakyan.

Napakarami nang aksidente na sangkot ang e-bike. Bakit? Dahil karamihan sa mga driver nito ay hindi alam ang basic rules and regulation sa kalsada.

Kaya nga pabor ako sa itinakdang Theoretical Driving Course ng LTO (Land Transportation Office), dahil bago makakuha ng drivers’ license ang mga aplikante ay kailangan muna nilang aralin ang mga dapat at ‘di dapat gawin sa kalsada, gayundin ang traffic signs.

Ayon sa ating kasalukuyang Saligang Batas, tanging ang mga driver ng mga motor vehicles ang nangangailangan ng lisensya. Pero para sa akin ay napapanahon nang amyendahan ang batas na ito dahil sa pagdami ng e-bike. O ‘di naman kaya’y ipagbawal na lang muna ang pagdaan ng mga ito sa mga main road o malalaking kalsada kung saan dumaraan ang malalaking sasakyan katulad ng truck, kadalasan ay hindi sila agad nakikita dahil maliliit lang ang mga e-bike.

Sa ngayon, dapat magkaroon ng ordinansa ang bawat munisipalidad o lokal na pamahalaang lungsod para matiyak na maayos ang daraanan para sa kapakanan ng lahat, hindi lang para sa mga motorista, kundi maging sa mga gumagamit ng e-bike.

385

Related posts

Leave a Comment