EDSA ANNIVERSARY AT MGA CHINESE NATIONALS SA BANSA 

PRO HAC VICE

Ano na nga ba ang nangyayari sa paggunita ng EDSA? Bakit mas marami pang awtoridad na nagbabantay kaysa mga dumating para gunitain ang umano’y EDSA revolt.

Marahil patunay lamang ‘yan na mas marami na ngayong mga Pinoy na na­gising na o mas alam na nila kung ano nga ba ang tunay na nangyayari sa bansa.

Sino ba naman ang gaganahang pumunta sa natu­rang pagtitipon kung ang mga maririnig mo lamang naman sa mga guest speaker ay puro papogi, paninisi at pamumulitika, na wala namang nagawa para mabago ang kalagayan ng bansa partikular na sa ilegal na droga.

Samantalang noong panahon ng sinasabi nilang diktador kuno, ang bansa ay tinitingala sa Asia at hinahangaan sa pag-asenso!

Noong panahon din ‘yon ay hindi umuubra ang mga sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga. Patunay n’yan ay nang hatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad ang napatunayang Chinese drug lord na si Lim Seng kaya tumiklop noon ang mga nais na magpakalat ng ilegal na droga sa bansa.

Ngayon nasaan tayo, isa sa mga kulelat sa Asia at lumalaban sa lakas ng talamak na ilegal na droga? Kilala lang tayo ngayon sa pagpapadala ng mga Pinoy bilang mga OFW. Ano nga ba ang nangyayari sa Pilipinas na ngayon ay dinadagsa na rin ng mga dayuhan lalo na ng mga Chinese nationals na inaagawan na rin ng mga trabaho ang ating mga kababayan.

Bakit si DOLE Sec. Sylvestre Bello III ay hindi man lang nababahala sa nangyayari sa work force ng bansa gayong siya dapat ang unang umalma sa pagpasok ng mga dayuhang mangagawa dahil ang kanyang tanggapan ang nagbibigay ng working permit sa mga dayuhan na nagtratrabaho sa dito sa Pinas.

Marami na sa ating mga kababayan na hirap na ring makapasok kahit laborer sa mga construction site dahil ang mga laborer doon ay mga Intsik na rin!!!

Sa Baclaran, Divisoria at sa ilang pamilihan nang Luzon, Visayas at Mindanao (Luzviminda) ang mga tindero at tindera mga Intsik din, bukod pa sa mga online gambling!

Kailangan pa kaya ng legislative inquiry para lamang ma-addres ang bumibigat na problema ng mga mangagawang Pinoy?  (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

64

Related posts

Leave a Comment