EPEKTO NG TRAPIK SA MGA TAO

DPA

KUNG mayroong nakamamatay ngayon sa Metro Manila ito ay ang trapik na nararanasan ng lahat ng mga tao, may sasakyan man o commuters, kaya ang tanong ng lahat, “kailan ito matatapos”?

Base sa medical experts, maraming ibinubungang sakit ang stress sa trapik tulad ng high blood, sakit sa pantog o bato dahil pinipiligan mo ang iyong pag-ihi kapag nasa gitna ka ng kalsada.

Marami na rin sa ating mga kababayan ang kulang na kulang sa tulog dahil kailangan nilang magising nang maaga upang maagang makaalis at hindi ma-late sa trabaho, eskuwelahan at iba pang appointment.

Hindi rin sila nakakauwi agad dahil pa rin sa trapik kaya gustuhin man nilang matulog nang maaga ay wala silang magawa kaya marami sa atin ang kulang na kulang sa pahinga.

Maraming oras din ang nawawala sa mga anak at magulang dahil sa trapik dahil pag-uwi ng mga magulang ay tulog na ang mga bata at pag-alis naman ng mga bata ay tulog pa ang mga magulang kaya ‘yung bonding ay nasisira.

Pagdating naman sa ekonomiya, malaki rin ang nawawala, hindi lamang sa mga may kotse kundi maging sa commuters dahil sa tumitinding problema ng trapik na tila lumalala habang tumatagal.

Ang mga may kotse, nauubos lang ang kanilang gasoline kapag natengga sa trapik kaya marami ang nagsasabi na ‘yung budget mo dati na P1,500 kada linggo ay nadudoble o natitriple na dahil ‘yung 45 minutos dati na biyahe ay nagiging tatlong oras na.

Ang commuters naman, marami ang nadudoble ang pasahe dahil palipat-lipat sila ng sasakyan para lang makarating nang maaga sa kanilang destinasyon kaya may pera man o may kaya sa buhay ay apektado sa problemang ito.

Sabi ng mga magagaling na lider ng bansa natin, ang trapik daw ay bunga ng umuunlad na ekonomiya pero mukhang palusot lang nila ito dahil hindi nila ginawa ang kanilang tungkulin na magtayo ng mga imprastraktura noon pa.

Papaano umuunlad ang ekonomiya kung P3-P5 bilyon ang nawawala sa mga mamamayan at gobyerno araw-araw dahil sa trapik na ito?

Kung talagang may pagpapahalaga ang mga lider ng bansa, dapat mag-advance planning, pero wala eh, puro lang pulitika sila. Tandaan natin, marami sa mga lider ng bansa ngayon ay deka-dekada na sila sa puwesto!  (DPA / BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment