GINHAWA SA GITNA NG PANDEMYA

Sa Ganang Akin

UNTI-UNTI nang ­nagsisimula muli ang ­kabuhayan ng mga Filipinong ­naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) dulot ng ­pandemyang COVID-19. Nagbukas at balik-operasyon na ang karamihan sa mga industriya, bagama’t limitado pa rin ang transportasyon at mahigpit na ipinapatupad ang social distancing.

Kasabay nito, isa-isa na ring nag-uumpisa ang utilities at mga bangko na mag-abiso tungkol sa mga nakabinbing bayarin na hindi nasingil noong tayo ay naka-quarantine. Hindi mapipigilan ang ilan na- kwestiyunin ang sitwasyon, at umapela na bigyan sana pa ng konsiderasyon at panahon na makapag-adjust muna bago maglabas ng pera.

Kaya naman laking ginhawa ang anunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) na maaari nang hulug-hulugan sa loob ng apat hanggang anim na buwan ang lahat nang naipong bills ngayong ECQ (mula March 1 hanggang May 31, 2020). Ang magiging batayan ngayon ng installment program na ito ay ang bill ng customers noong February 2020. Para sa customers na may konsumong 200kWh pababa, anim na buwan na uutay-utayin ang March, April, May bills. Para naman sa customers na may mas mataas sa 200kwh na konsumo, apat na buwan pwedeng bayaran ang ECQ bills. Alinsunod ito sa pinakabagong direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Kasabay nito, ipinaalam din ng Meralco na ibabalik nito ang P47 convenience fee na siningil sa customers na nagbayad gamit ang ­Meralco Online app mula March 16 hanggang May 15, 2020.

Nauna nang nagpahayag ang Department of Energy (DOE), sa pamamagitan ni Secretary Al Cusi, na kakausapin ng ahensya ang Meralco tungkol dito. Agad namang tumugon ang Meralco at sinabing uumpisahan na nila ang refund sa lalong madaling panahon.

Nagkaroon din ng pagkakataon na maipaliwanag ng Meralco ang naging ­proseso nito sa paniningil nitong nakaraang tatlong buwan sa pamamagitan ng isang ­hearing sa harap ng Joint Congressional Energy Commission (JCEC) nito lamang Biyernes. Nang mag-lockdown sa Luzon nitong March ay hindi nakapag-reading ang meter readers sa mga bahay ng customers, kaya naman ‘estimation’ ang ginamit na basehan ng March at April na bills. Sumusunod ito sa provision ng ERC para sa mga pagkakataong hindi maaring makapagbasa ng metro dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Nitong May nang mag-umpisa nang mag-relax ang mga panuntunan ng ECQ sa ilang lugar, nag-umpisa na rin na magbasa ng metro ang Meralco. Ang sumunod na natanggap na May bill ay naglalaman ng aktwal na nakonsumo, pati na rin ang adjustments na hindi naisama sa March at April.

Hindi na dapat ipagtaka ang pagtaas ng bill nitong nakaraang tatlong buwan dahil una, tayo ay naka-lockdown sa loob ng bahay 24/7 at ­gumagamit ng ­appliances buong araw. Kahit na walang dumagdag na gamit, ­nadagdagan naman ang oras nang paggamit ng appliances. Pangalawa, record-high ang temperatura sa Metro Manila, at dahil dito, doble-kayod din ang motor ng mga cooling appliances gaya ng ref, aircon, electric fan sa pagpapalamig.

Ipinaliwanag ito ng ­Meralco, kasabay ang pangako na ang kinonsumo lang ng customers ang sisingilin, base sa aktwal na meter reading.

Inisa-isa na rin ng Meralco ang mga susunod na hakbang nito upang magbigay ng ­dagdag kaalaman sa mga customer at maiwasan ang pagkalito. Kabilang dito ang pagbibigay ng hiwalay na bill para sa mga buwan na kasama sa apat hanggang anim na buwan na installment, ang pagbibigay ng sulat sa mga customer na naglalayong magpaliwanag ng bill, at ang tuluy-tuloy na information campaign.

Isinulong din ng Meralco ang smart meter technology na may kakayahang magbasa ng metro ng customers kahit off-site or remotely. Isa ito sa mga pangmatagalang solusyon na makakatulong sa customers. Ayon sa DOE, isa ang programang ito sa kanilang susunod na pagtutuunan ng pansin.

Ginhawang maituturing naman talaga, dahil sa kabila ng pandemya, magkakaroon ng mas mahabang panahon na makapagbayad ang mga customer, maibabalik ang naidagdag na binayad online, mabibigyang linaw ang bills ngayong ECQ, at maaaring magkaroon ng high-tech na smart meters ang electricity consumers.

Magtuluy-tuloy sana ang pagkakaisa ng gobyerno at private sector – sa ganitong paraan, maka-aasa tayong malalampasan natin ang mga pagsubok, malabanan, at mapagtatagumpayan ang iisang kalaban – ang COVID-19.

156

Related posts

Leave a Comment