ITULOY ANG CENTRALIZED TERMINAL SYSTEM SA MGA PROVINCIAL BUS

BAGWIS

Pabor tayo sa plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na maglagay na lang ng common terminal sa bawat dulo ng Kamaynilaan para sa ating mga provincial bus. Ito naman kasi ang nararapat na sistema dahil talaga namang perwisyo ang dulot ng mga ito lalo na kapag humihimpil sa kanilang sari­ling terminal.

Halos araw-araw ay umiinit ang aking bumbunan dahil sa mga provincial bus na may mga terminal sa bandang Taft Avenue malapit sa Buendia dahil pati kalsada ay inaangkin na nila at tinatambayan.

Ang resulta ay napakatinding traffic samantalang nakanganga lang itong mga traffic enforcer ng Pasay. Paano nga naman nila sisitahin ang mga kompanya ng bus dito sa Taft eh halatang-halata naman na naging gatasan na sila ng Pasay Traffic Bureau at maging ng City Hall.

At ngayong tila seryoso na ang MMDA upang ipa­tupad ang end-to-end terminal scheme para sa ating mga provincial bus, tayo ay umaasang ipatupad na ito sa lalong madaling panahon. Of course, kinakailangang makumpleto muna ang mga itatayong central terminal upang hindi magiging magulo ang gagawing transisyon sa bagong sistema.

Gayunpaman, hindi tayo umaasa na malaki ang mababawas sa ating traffic volume kahit ipatupad na ito ng MMDA. Baka nga halos hindi natin mararamdaman ang epekto nito sa ating matinding suliranin sa trapiko.

Mas magiging mabisa ang planong ito ng MMDA kung isabay na rin ang pagkakaroon naman ng orga­nisadong dispatch system para sa ating mga Metro Manila bus na siyang pa­ngunahing dahilan ng traffic lalung-lalo na sa EDSA.

Sa pamamagitan nito ay makokontrol ang daloy ng ating mga Metro Manila bus at hindi magdadagsaan at ang ating mga loading at unloading zones gaya ng nangyayari ngayon.

Matagal na natin itong isinusulong dahil hindi talaga uubra itong umiiral na sistema na kanya-kanyang diskarte at kanya-kanyang agawan ng pasahero itong mga bus companies upang tumaas ang kanilang mga kita. Dahil dito, napupuno ng mga humihimpil na bus itong ating mga babaan at sakayan at nagiging mga choke points.

Kung may dispatch system na patas sa bawat kompanya ng bus, maaari silang magsalitan sa halip na mag-unahan sa pagkuha ng mga pasahero. At dahil mabilis at predictable ang travel time nitong mga bus dahil maluwag na ang ating mga yellow lanes, tiyak na tatangkilikin ito ng napakaraming mga mananakay.

Ang sistemang ito ay matagal nang ipinapatupad sa napakaraming bansa at wala akong makitang dahilan para hindi uubra ito sa atin basta’t pursigido ang ating pamahalaan na gawin ito. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

128

Related posts

Leave a Comment