LUNTIANG ENERHIYA HATID PARA SA ISLA VERDE 

SA GANANG AKIN

Kung babalikan at lilingunin natin ang kasaysayan ng ating bansa, ang Pilipinas ay isa sa mga bayan na talagang pinuntiryang sakupin ng mga iba’t ibang lahi gaya ng mga Kastila, Hapon, at ng mga Amerikano. Sagana kasi ang ating bansa sa likas na yaman kaya tayo nakilala bilang Perlas ng Silangan. Napakaganda ng lokasyon ng ating bansa dahil tayo ay nakakakuha ng sapat na pag-ulan at sapat na sikat ng araw.

Hindi kataka-takang nangunguna ang Pilipinas sa Asya at pumapanlima sa buong mundo kahanay ang South Africa, Chile, Brazil, at Thailand sa paggamit ng solar photovoltaic (pv) system o solar energy sa pag-generate ng kuryente. Sapat kasi ang sinag ng araw na tumatama sa Pilipinas upang maging episyente ang paggamit ng solar pv para sa pag-generate ng kuryente sa ating bansa. Ito ang i­tinuturing na pinakamurang paraan para makagawa ng elek­trisidad. Dulot nito, ito na ang kinikilalang bagong mukha ng industriya ng kuryente. Sadyang napakalinis ng renewable energy, kung ikukumpara ito sa ibang pinagkukuhanan tulad ng coal, bunker o diesel, ng kuryente sa Pilipinas.

Mismong ang kalihim ng Department of Energy (DOE) na si Secretary Alfonso Cusi ang nagsabi na nakikita n’ya ang malaking tulong na maibibigay ng renewable energy katulad ng enerhiyang solar sa pagtugon sa patuloy na tumataas na demand ng kuryente sa bansa. Akma ring gamitin ang solar pv system para sa rural electrification na siyang dapat bigyang pansin sa industriya ng kuryente base sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi kasi kailangan ng solar pv system na kumonekta sa transmission facility ng bansa upang mag-operate kaya mainam itong gamitin sa mga lugar sa bansa na hindi madaling mapuntahan o yaong malayo sa grid system.

Sa katunayan, nitong nakaraan lamang ay opisyal na nag-umpisa ang operasyon ng kauna-unahang solar microgrid project ng Meralco sa Isla Verde. Gamit ang 32-kilowatt (kW) solar panel microgrid at pasilidad para sa 192 kilowatt­hour (kWh) battery storage, nakapaghatid ng liwanag ang Meralco sa anim na barangay sa Isla Verde. Ang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng Meralco, United States Agency for International Development (USAID), DOE, at ng lokal na pamahalaan ng Batangas. Ang matagumpay na proyektong ito ng Meralco ay isang magandang patunay kung gaano kalaking pagbabago ang maaaring idulot ng pagtutulu­ngan ng iba’t ibang sangay ng lipunan.

Marahil ay darating ang panahon na bahagi na ng nakaraan ang mga panahong umaasa ang Isla Verde sa maliliit na solar panel, generator set na pinapagana ng diesel, at mga baterya ng sasakyan para sa apat na oras na supply ng kur­yente sa gabi. Inaasahang malaki ang magiging pagbabago sa lugar ngayong mayroon na itong napagkukuhanan ng pangmatagalang supply ng kuryente. Mas may pagkakataon na ang mga residente ng Isla Verde na lubus-lubusin ang potensyal ng kanilang lugar. Sa taglay nitong ganda at dahil may kuryente na sa lugar, tiyak na hindi magtatagal ay dadagsain na ito ng mga turista lalo na ang mga mahilig sa diving.

Maganda ang tiyempo ng pagpasok ng proyektong ito ng Meralco sa Isla Verde dahil ilang araw na lamang ay sasapit na ang panahon ng tag-init. Bagama’t napapaligiran ng karagatan at sariwa ang hangin sa lugar, makatutulong pa rin sa mga residente ng Isla Verde ang pagkakaroon ng kuryente para maibsan ang init ng panahon.

Ngayong papasok na ang panahon ng tag-init, inaasahang tataas ulit ang demand ng kuryente sa bansa. Ang taas ng temperaturang taglay ng panahon ng tag-init ay maaaring makapagtulak sa mga konsyumer na mas magkonsumo ng kuryente na siyang magreresulta sa mataas na bayarin sa kuryente. Upang maiwasan ito, ugaliin pa rin ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente. Ang mga tips ukol dito ay maaaring makita sa opisyal na website ng Meralco, sa facebook account nito, at gayundin sa Twitter.  (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

275

Related posts

Leave a Comment