MAAASAHAN BA SI BBM?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANO ang aasahan sa isinabatas na Maharlika Investment Fund na bunga ng sumingaw sa utak ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.?

Kapag ginusto ay ipipilit na magkatotoo. Kahit tinadtad ng kritisismo at agam-agam ay mabilis na lumusot. Salamat sa mga kasangga ni Jr. na mula sa unang baytang ay katuwang na para marating ang katuparan na magkaroon ng sovereign wealth fund ang bansa.

Ganap nang batas kaya dapat nang magpahinga ang mga kapanalig, ngunit sa halip na maging kampante sa estado ng MIF ay lalong pinaigting ang depensa ng mga chuwariwap.

Kabado kaya ang administrasyong Marcos dahil hindi ito tatantanan ng mga nagdududa sa tunay na adhikain ng MIF? na ang pondo ay dapat mula sa surplus reserve ng gobyerno, at iba pang pagkukunan.

Lubog nga sa utang ang bansa. Nasa peligro ang pondo ng ibang huhugutan ng kontribusyon tulad ng ilang bangko.

Ang ekonomiya ng bansa at benepisyo ng mamamayan ay hindi mabibigyan ng garantiya ng batas na ito.

Imbes na makaalpas sa kahirapan ang mamamayan ay babagsak sa kanila ang pasanin sakaling malugi ang investment fund.

Nasa balag ng alanganin ang karamihan. Naghihintay at tinitingnan ang kahihinatnan. Walang katiyakan.

Pero sa mga chuwariwap, maganda ang programa.

Sabi nga ng isang senador na author at sponsor ng panukala, makatutulong ang MIF sa pag-unlad ng ekonomiya at lilikha ito ng trabaho. Pero sa sunod na taon pa mararamdaman ang epekto ng MIF. Biglang kambyo kasi prediksiyon at pagtataya lang ang kay senador.

Andaming pabulaklak sa programang ito. Kung sa bentahan ng produkto, malamang ubos ang paninda. Kumbaga, dinaan sa sales talk.

Gaya nitong giit ni Mr. Speaker na hindi mababahiran ng pulitika ang MIF upang magtagumpay ang layunin nito. Talaga lang ha?

Pagsang-ayon ito ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa desisyon ni Marcos, Jr. na ilayo sa pulitika ang MIF upang magtagumpay sa pamamagitan ng pagbasura nito sa panukala na magsilbi siya o kaya’y ang kalihim ng Department of Finance bilang chair ng MIF.

Dapat daw hawakan at patakbuhin ito ng isang independent financial managers upang mailayo o hindi ito mabahiran ng pulitika.

Pero sa isang pahayag, lumabas na ang DOF secretary ay chairman ng MIC.

Ano ba ‘yan? Taliwas sa sinabi ang ginawa. Hindi ata sinuri ng Pangulo ang pinirmahan.

Paano iaasa ang kinabukasan ng mga Pilipino sa kamay ng isang lider na pa-easy easy.

* Na-LOGO na*

Usong-uso na talaga ang palit logo sa mga ahensya ng pamahalaan, pero this time may ibang bersyon.

Tama ‘yung una kong suhestyon na magsagawa ng logo making contest ang mga ahensya.

Eto na. May logo making contest para sa bagong TESDA slogan:

“Sa TESDA, Lingap ay Maaasahan.”

Aabot sa P10,000 ang cash prize, kasama ang Certificate of Recognition na pirmado ng Kalihim ng Tesda.

Malamang, may magsunuran.

Aasenso nga naman ang bansa sa bagong logo at slogan.

Ahensyang walang achievement? ‘Di bale, may logo naman.

 

99

Related posts

Leave a Comment