PUNA ni JOEL O. AMONGO
MALAKING problema ang kinahaharap ngayon ng gobyerno ng Pilipinas kung saan kukuha ng natural gas sa sandaling maubos na ang pinagkukunan nitong Malampaya gas sa Palawan.
Batay sa ulat, inaasahan na ang Malampaya gas ay mauubos na sa taong 2027, kaya kailangang mag-develop ng panibagong pagkukunan ng natural gas.
Ang Malampaya gas ay isa sa pinakamalaking ambag sa ekonomiya at nakatutulong sa kuryente ng bansa kaya mahalaga ito sa gobyerno ng Pilipinas.
Noong nakaraang taon, si Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ay nilagdaan ang renewal agreement para sa Malampaya Service Contract No. 38, na naglalayong bigyan ng panibagong 15-taong kontrata ang mga kumpanya.
Nakapaloob sa contract renewal na kailangang magsagawa ng isang minimum work program na binubuo ng geological at geophysical research at drilling ng hindi bababa sa dalawang malalim na balon ng tubig mula 2024 hanggang 2029 sa Sub-Phase 1.
Tinukoy ng Department of Energy (DOE), ang work program ay nakatuon sa pag-unlock ng potensyal na pareho sa umiiral na larangan ng gas, kung saan ay nasa 80 kilometro mula sa hilagang-kanlurang baybayin ng isla ng Palawan, at prospect ang mga lugar na malapit sa Malampaya na may tinatayang 210 billion cubic feet (CF) ng gas reserves na nakatakdang i-develop.
Ang malaking problema ngayon ay kung paano nila maide-develop ang lugar dahil sa presensiya sa West Philippine sea ng mga barko ng China.
Ngayon pa nga lang, na ang pakay lamang ng mga barko ng Pilipinas ay resupply mission sa mga sundalo na nakabase sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, at magbigay ng ayuda sa mga mangisngisda, ay hinaharang ang mga ito ng mga barko ng China.
Paano pa kaya kung makikita ng China na ang ginagawa ng Pilipinas ay para sa pagmimina ng langis sa nabanggit na karagatan?
Hindi lingid sa kaalaman natin na ang target ng China sa mayamang karagatan na sakop ng Pilipinas ay ang reserbang gas nito kaya ganoon na lamang sila kaagresibo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa data mula sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) ng Center for Strategic and International Studies, ang buong South China Sea (SCS) ay mayroon billions of gas at oil reserves.
Karamihan sa SCS ay inaangkin ng China sa pamamagitan ng kanilang ilegal na nine na ngayon ay naging 10-dash line.
Ayon pa sa AMTI, ang SCS ay may tinatayang 190 trillion CF ng natural gas reserve at 11 billion barrels ng oil reserves.
Sinabi naman ng DOE, tinatayang mayroong 12,158 billion CF ng natural gas reserve at 6,203 million barrels ng oil reserve sa WPS sa loob ng Philippines’ exclusive economic zone (EEZ), as of 2021. Nasa limang petroleum service lamang ang nakakontrata sa WPS.
Sa international law, kinikilala ang isang bansa sa kanyang EEZ bilang lugar na kung saan ang bansa ay may exclusive right na kunin ang natural na kayamanan nito.
Noong 2021, si Sen. Sherwin Gatchalian ay naghain ng Senate resolution na naghahangad na magtatag ng oil and gas potential sa WPS dahil sa kakulangan ng gas sa bansa.
Ayon naman sa pahayag ni Raymond Powell, mula sa Stanford University’s Gordian Knot Center for National Security Innovation, napigilan ng China ang Pilipinas sa pagkuha ng sariling oil at gas reserves sa loob ng EEZ nito, sa pamamagitan ng paggamit ng mga epektibong pananakot at pamimilit.
Ngayon, kaya ginagawa ng China ang pangha-harass at pambu-bully sa mga barko ng Pilipinas at sa mga mangingisda natin sa WPS, ay dahil may interes sila sa natural gas sa lugar.
Ano ngayon ang hakbang ng gobyerno para mapigilan ang mga ginagawa ng China sa atin?
Kaya ba natin tapatan ang naglalakihang mga barko ng China?
-oOo-
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
204