DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa mga problema ng sektor ng pagsasaka na hindi napapansin o sadyang hindi pinapansin, ay patanda na nang patanda ang mga magsasaka at bihira na ang mga kabataan na nagtatrabaho sa mga bukid.
Sa isang debate sa Rice Tariffication Law amendment sa Kamara ay natanong kung ano ang average age ng mga magsasaka sa Pilipinas at sinagot ng sponsor sa nasabing panukala na 57-anyos pataas.
Ibig sabihin, ‘yung mga mas bata sa kanila ay hindi na nagbubungkal ng lupa. Ayaw ng mga kabataan na pasukin ang pagsasaka lalo na’t walang nangyari sa kanilang buhay sa pagsasaka ng kanilang magulang.
Karamihan ngayon sa mga kabataan sa mga probinsya ay nagtapos ng pag-aaral at may kanya-kanya na silang karera at dahil mas maganda ang income kumpara sa pagsasaka kaya wala na silang interes na isabay sa kanilang propesyon ang pagbubukid.
Napapansin ko rin na saka lang bumabalik ang mga tao sa bukid kapag retired na sila sa kanilang propesyon pero 65-anyos na ang mga ito at pera na lamang nila ang pinagagana at kumukuha pa rin ng mga tauhan na halos kasingtanda na nila para magtrabaho sa kanilang bukid.
Kung mayroong mang mga kabataan na nagsasaka ngayon, ‘yun ang mga hindi nakatapos sa pag-aaral at walang opsyon kundi ituloy ang nakagisnan ng kanyang pamilya pero iilan lang sila kaya malaking problema ang kahaharapin ng bansa kapag nagkataon.
Marami raw namang programa ang gobyerno tulad ng pagbibigay ng scholarship sa mga kabataan sa kursong agriculture pero ang tanong, epektibo ba, at marami ba kumuha ng kursong ito?
Dapat hanapan ng gobyerno ng solusyon ang problemang ito dahil kung hindi ay darating ang panahon na wala nang magtatanim sa mga bukid para magkaroon tayo ng pagkain sa ating mesa sa araw-araw.
Mantakin mo, parami nang parami ang mga Filipino pero pakunti nang pakunti at patanda nang patanda ang mga magsasaka pero tila walang pakialam ang gobyerno na nangangarap na magkaroon ng food security sa bansa.
Ang mangyayari niyan, lahat ng mga pagkain natin ay aangkatin na sa ibang bansa at dahil mga imported ay tiyak na mas mahal ‘yan at baka lalong magutom ang sambayanang Filipino dahil hindi na nila kaya ang presyo.
Kapag wala nang magsasaka, baka tuluyang buksan ng gobyerno ang sektor ng agrikultura sa mga dayuhan at sila na lang magtatanim gamit ang makabagong teknolohiya na hindi na nangangailangan ng maraming agri workers.
Upang maresolba ang problema, dapat buhusan ng pondo ang sektor na ito at lahat ng mga magsasaka ay tulungan dahil sa ngayon, kung hindi ka kasama sa isang kooperatiba, hindi makatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Iangat sa kahirapan ang mga magsasaka dahil ang nasa isip ng mga tao, kapag ikaw ay magsasaka ay mahirap ka, na may katotohanan naman dahil hindi sila ang kumikita kundi ang mga negosyante na pinagpapasahan nila ng kanilang ani. Gets n’yo?
105